HANDA 24/7. Nakahanda ang mga crew ng Meralco na tumugon sa anumang posibleng alalahanin sa serbisyo ng kuryente na maaaring idulot ng ulan dala ng Bagyong Nando. Makikita sa larawan ang mga crew ng Meralco na nagsasaayos ng mga pasilidad ng kuryente
MAYNILA, PILIPINAS, 22 SETYEMBRE 2025—Nagpahayag ang Manila Electric Company (Meralco) ng kahandaan sa pagresponde sa anumang posibleng alalahanin sa serbisyo ng kuryente na maaaring idulot ng ulan dala ng Bagyong Nando (international name: Ragasa).
Bilang paghahanda sa inaasahang pag-ulan dahil sa mas pinalakas na Habagat, nakatutok ang kumpanya sa lagay ng panahon lalo at nasa ilalim ng tropical cyclone warning signal ang ilang bahagi ng Meralco franchise area.
“Nakaantabay 24/7 ang aming mga crew at personnel para matiyak ang maagap na pagtugon sa anumang posibleng alalahanin sa serbisyo ng kuryente. Hinihikayat namin ang lahat na unahin ang kaligtasan at maging mapagmatyag, lalo na sa mga lugar na madaling bahain,” ani Meralco Vice President at Head ng Corporate Communications na si Joe R. Zaldarriaga.
Ilan sa mga paalala para maiwasan ang aksidenteng may kaugnayan sa kuryente lalo na kung may pagbaha ay:
• Patayin ang main power switch o circuit breaker. Tiyaking tuyo ang kamay at paa bago humawak sa anumang kagamitang elektrikal.
• I-unplug ang lahat ng appliances at patayin ang mga permanenteng nakakabit na kagamitan.
Kung maaari, tanggalin ang mga bombilya.
• Linisin ang putik at dumi sa mga kagamitang elektrikal gamit ang rubber gloves at sapatos na may rubber soles.
• Siguraduhing tuyo ang lahat ng kable, saksakan, at kagamitang elektrikal bago gamitin.
• Ipa-inspeksyon sa lisensyadong electrician ang mga appliances at wiring system bago muling gamitin. Huwag gamitin ang mga kagamitang elektrikal na nasira ng baha.
Para sa mga alalahanin tungkol sa serbisyo ng kuryente, maaaring i-report ito sa pamamagitan ng My Meralco app o sa mga opisyal na social media account ng Meralco sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at X na kilala dati bilang Twitter (@meralco). Maaari rin sumangguni sa pamamagitan ng pag-text sa 0920-9716211 o 0917-5516211 o pagtawag sa Meralco Hotline 16211.
