RIZAL – Habang nasa bansang India si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa isang state visit upang patibayin pa ang partnership ng dalawang bansa, isang pamilyang Indian national naman ang nilooban at nilimas ang kanilang mamahaling mga kagamitan ng hindi pa nakikilalang mga suspek, noong Agosto 5, 2025.
Ayon sa tinanggap na report ni PLt. Col. Alfredo de Guzman Lim, chief of police ng Cainta Municipal Police Station, bandang alas-3:05 ng hapon nang pumasok sa bahay ng mga biktima ang mga suspek at nagdeklara ng holdap.
Sa paunang imbestigasyon, sinabi ng mga biktima na dahil may nakatutok na baril, pinapanood na lamang nila ang mga suspek habang kinukuha ng mga ito ang kanilang mga kagamitan.
Kinilala ang mga biktima na sina Lambeer Sing, 42; Kurmjit Karr Gill, 42; Jaspreet Singh, 30; at alyas “Faith”, 10, mga residente ng Brgy. Sto. Domingo, Cainta, Rizal.
Ninakaw sa mga ito ang isang vault na may lamang P200,000 cash, sari-saring alahas na tinatayang P1,000,000 ang halaga, at dalawang mamahaling cellphone na mahigit P100,000 ang halaga. Tinangay rin ng mga suspek ang iba pang gadgets at passports ng mga biktima.
Idinagdag pa ni PLt. Col. Lim, ang apat na lalaking suspek ay agad na sumakay sa isang itim na Ford Territory SUV na may plakang NBG 9800, at mabilis na tumakas.
(NEP CASTILLO)
157
