PGH UMAAPAW NA SA MGA PASYENTE

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NAKIUSAP na ang Philippine General Hospital (PGH) sa publiko na humanap ng ibang ospital dahil ang kanilang emergency room o ER ay humaharap ngayon sa ‘overcapacity’.

Ang ospital ay lumagpas na sa capacity na 400% na may higit sa 300 pasyente na nagsisiksikan sa pasilidad na nakadisenyo lamang sa 75.

Hindi muna sila tatanggap ng mga pasyente sa ER maliban na lamang ‘yung mga nasa kritikal na kondisyon.

Kinumpirma ni PGH spokesperson/coordinator for public affairs Dr. Jonas Del Rosario ang nakaaalarmang sitwasyon.

Upang malimitahan ang pagtanggap ng mga pasyente para lamang sa critically ill, ang ospital ngayon ay nasa “Code Triage”.

Kabilang sa mga dahilan ng biglaang pagtaas ng bilang ng mga pasyente ang nagdaang sama ng panahon na nagdulot ng mga pagbaha na nagdulot ng infectious diseases tulad ng leptospirosis at pneumonia kasama ang pagsirit naman ng mga kaso na may kinalaman sa sepsis, stroke, at komplikasyon sa chronic illnesses tulad ng diabetes, heart at kidney disease.

Nakadagdag din sa pagdami ng mga pasyente sa PGH ang mga inilipat mula sa maliit na public at private hospitals na kadalasang walang maayos na koordinasyon.

Nangako naman ang 20 DOH at GOCC hospitals na tutulong sila sa PGH.

Siniguro ng DOH na naka-standby ang 20 pampublikong ospital at ang Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs) upang tumanggap ng mga pasyente mula sa pansamantalang punuang emergency room ng UP-PGH.

Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, bukas ang DOH at GOCC hospitals sa Metro Manila para tanggapin ang mga pasyenteng hindi muna ma-accommodate ng PGH.

Kabilang sa mga alternatibong ospital ay ang Jose Reyes, San Lazaro, Fabella, East Avenue, Orthopedic Center, Quirino Memorial at Valenzuela Medical Center, pati na rin ang Lung Center, Kidney Institute, Heart Center at Children’s Medical Center.

Pinapayuhan ang mga ospital at ambulansya na tumawag muna bago magdala ng pasyente sa DOH-MMCHD sa numerong 0956-175-3710 o 0920-251-1800.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

50

Related posts

Leave a Comment