SA mabilis na pagtugon ng Quezon City Police District (QCPD) sa pamumuno ni PCOL Randy Glenn Silvio, nasagip ang 3-anyos na bata at naaresto ang kasambahay na umano’y dumukot dito.
Sinabi sa ulat ng QC police station 2, dakong alas-8:05 ng gabi noong Agosto 10, 2025, nagpaalam ang suspek na si alyas Joan, 24, sa kanyang amo na pupunta sa kapitbahay para kumuha ng gamot sa pananakit ng tiyan. Isinama nito ang 3-anyos na alaga ngunit hindi na bumalik sa bahay ng amo sa Brgy. Paltok, Quezon City.
Makalipas ang ilang oras, nakatanggap ang mga magulang ng bata ng text message mula sa suspek na humihingi ng Php150,000.00 para sa ligtas na paglaya ng biktima at nagbanta na sasaktan ito kapag hindi naihatid ang pera. Ito ang nagtulak sa pamilya na iulat ang insidente sa QC Police station 2 Masambong na nasa ilalim ni PLTCOL Rolando Baula.
Agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga operatiba na humantong sa pagkakaaresto ng suspek dakong alas-12:05 ng madaling araw noong Agosto 11, 2025 sa FPJ Avenue, Quezon City, at nailigtas ang bata.
“Ang matagumpay na pag-aresto sa suspek at ligtas na pagsagip sa bata ay patunay ng mabilis na pagtugon ng QCPD sa mga krimen. Asahan ninyo ang tapat at maagap na serbisyo para sa seguridad ng bawat mamamayan,” pagtiyak ni PCol. Silvio.
(PAOLO SANTOS)
