Tinarget ng mga nag-aambisyon sa posisyon? SANTIAGO NAGBITIW SA NBI

KINUMPIRMA ng Malakanyang na nagbitiw sa kanyang puwesto si National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago.

“He (Santiago) submitted his resignation,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang text message.

Wala namang ibinigay na dahilan si Castro sa ginawang pagbibitiw sa puwesto ni Santiago.

Sinabi ni Castro na sa ngayon ay hindi pa tinatanggap ng Pangulo ang pagbibitiw sa pwesto ni Santiago.

“Wala pa po comment mula sa Pangulo,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, ang kopya ng resignation letter, naka-address kay Pangulong Marcos, may petsang Aug. 15, 2025, ay ibinahagi sa mga miyembro ng media, araw ng Sabado.

Sa liham ni Santiago, na ipinadaan kay Executive Secretary Lucas Bersamin, sinabi nito na ang pagsusumite niya ng kanyang “irrevocable resignation” ay kaagad na epektibo sa oras na may mahirang na ang Pangulo na kanyang magiging kapalit.

Samantala, sinabi ni Santiago na “detractors and those who have sinister interest in my position incessantly make moves to besmirch my reputation.”

Matatandaang, itinalaga ni Pangulong Marcos si Santiago bilang hepe ng NBI noong June 2024.

Nito lamang May 2025, nagsumite si Santiago ng kanyang courtesy resignation bilang bahagi ng direktiba ni Pangulong Marcos para sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan na bakantehin ang kani-kanilang pwesto o posisyon sa gitna ng pagsisikap na i-recalibrate ang kanyang administrasyon.

(CHRISTIAN DALE)

71

Related posts

Leave a Comment