GARAPAL!

KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI

SOBRANG garapal! Ito ang agad na pumasok sa aking kukute pagkatapos kong panoorin ang video interview ng isang kilalang broadcast journalist sa mag-asawang kontratista sa gobyerno partikular sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sinadya kong hindi na ilagay ang pangalan ng broadcast journalist at ang mag-asawang kinapanayam. Hindi ko praktika ang ibilad pa sa publiko ang sinomang sentro ng anomalya at eskandalo. Ang interview ay isinagawa noon pang nakaraang taon. Nasa You Tube ang video. “…dating mahirap na naging bilyonaryo” ang bahagi ng titulo.

Ipinakilala ang mag-asawa bilang ordinaryong mamamayan na nag-adhika sa buhay at pumasok sa construction business. Unang mga proyekto ang residential houses hanggang sa umasenso. At bilang patunay ng kanilang tagumpay, ipinakita nila sa video ang kanilang malawak na garahe na parang parking area sa loob ng shopping mall, na may mga nakaparadang hukbo ng sariling sasakyan ng pamilya – nasa 40 ang bilang!

Hindi mga ordinaryong behikulo ang nakaparada. Imported ang karamihan. Mercedes Benz, Bentley, Cadillac, Lincoln, at ang pinakatampok – Rolls Royce na kaya lang binili ay dahil natuwa sa awtomatik na bumubukang payong kapag binuksan ang pinto at lalabas ng sasakyan ang nakasakay.

Hindi mo makikita ang parada ng mga mararangyang sasakyang ito sa garahe ng kahit na sinong milyonaryo o bilyonaryo sa bansa. Ang mag-asawang kontratista lang ang merong ganito sa buong Pilipinas.

Nang tanungin sila ng broadcast journalist kung paano sila yumaman, walang kagatol-gatol na binanggit ng babae: “Noong nag-DPWH kami.” BOOM! Ibig niyang sabihin ay noong makakuha na sila ng kontrata sa mga proyekto ng nasabing ahensya ng pamahalaan.

##########

Nitong nakaraang State of the Nation Address (SONA) noong July 28, iniutos ni PBBM na imbestigahan ang lahat ng flood control projects sa ilalim ng kanyang administrasyon. Inamin niya na marami sa mga proyekto ay palpak dahil hindi napigilan ang naganap na malawakang pagbaha kamakailan na nagwasak sa maraming bahay, pananim at ari-arian. Kasabay na nalantad ang flood projects na ampaw dahil hinawsyaw ang pagkakagawa at ang mas malala ay ‘yung halos hindi na makutaptapan kung nasaan ba ang proyektong binayaran ng pamahalaan.

Makalipas ang dalawang linggo, ibinunyag ni PBBM sa kanyang binuksang “Sumbong sa Pangulo” website, ang listahan ng 9,855 flood control projects ng DPWH sa pagsisimula ng kanyang panunungkulan bilang pangulo ng bansa noong July 2022 hanggang May 2025.

Nagulat siya nang malaman niya na ang nasa P100 billion o 20 porsyento ng buong P545-billion budget para sa flood control projects ng DPWH ay napapunta lang sa 15 kumpanya ng mga kontratista sa kabuuang bilang na 2,409 accredited contractors.

At ang dalawang kumpanya sa 15 ay pagmamay-ari ng mag-asawang kinapanayam ng broadcast journalist. Kaya saktong-sakto ang titulo ng video documentary na “…dating mahirap na naging bilyonaryo”. At nagsimula ito noong magkaroon sila ng mga kontrata sa DPWH.

Bakit? Ano bang meron sa DPWH? Sa mahigit 30 taon ko na sa pamamahayag, akala ko ay manhid na ako sa malawak na dekwatan sa gobyerno lalo na sa DPWH. Hindi pa pala dahil nasusuka pa rin ako. Bagama’t naniniwala naman akong HINDI LAHAT ng mga tauhan at opisyales ng DPWH ay magnanakaw. Meron pa rin sa kanilang hanay na mga matatapat na naglilingkod sa pamahalaan. Nadadamay lang sila sa masamang bansag na kakawing sa kanilang tanggapan.

Tumaas lang ang presyon ko doon sa mag-asawang kontratista. Para bang napakanormal lang sa kanila ang ipagmalaki ang pagmamay-ari ng sanlaksang mga mamahaling sasakyan. At ang mas malintik nito…nakuha pa nilang aminin na nagsimula ang kanilang kariwasaan noong nakakuha na sila ng mga kontrata sa DPWH. Totoong napaka-garapal!

Noong kapanayamin sila, kahit hindi pa sumisingaw ang anomalya sa flood control projects na ibinunyag at pinaiimbestigahan ngayon ni PBBM, dapat ay nagkaroon man lang sila ng kahit konting delikadesa na ibuyangyang sa publiko ang kanilang eskandalosong kayamanan sa gitna ng malawak na kahirapan ng maraming mamamayan na nasa laylayan ng lipunan. Marami ang halos walang pagkain sa lamesa. Pero dedma lang sila. At kumandidato pang mayor ang babae nitong nakaraang eleksyon. Pero walang nagawa ang sangdamakmak niyang salapi. Talo siya. Dahil simbolo ng katapatan ng isang naglilingkod sa pamahalaan ang kanyang binangga.

Ayun! Ang video documentary na hanggang ngayon ay nasa Youtube pa rin (as of Aug. 19 ng umaga) ay nagsisilbing nakasusukang testimonya at ebidensya laban sa kanilang eskandaloso at garapal na kayamanan na kakawing sa walang humpay na dekwatan sa salapi ni Juan dela Cruz.

##########

Kaugnay sa paksang ito, tugmang-tugma sa mga balita ngayon ng malawak na nakawan sa salapi ng taong-bayan, ang awit ng makabayang ekonomista at propesora sa University of the Philippines, si Cielo Magno, at katambal niyang musikerong si Jake Regala, na may titulong “Tax ng Ina Mo, Bantayan Mo”.

Tumbok na tumbok ang liriko ng awit:

“…Tax ng ina mo, bantayan mo. Huwag hayaang lustayin ng mga politiko.
‘Yang perang ‘yan pinaghirapan mo. Isusubo mo na lang, ninakaw pa sayo”.
“Philhealth, edukasyon, tunay na serbisyo. Hindi mga ayuda pangbili ng boto.
Ang mga imprastraktura dapat maginhawa. Pero Projects na pa-epal, mukha ang nakatapal.”
“Confidential fund, Pork barrel, ayuda. Tax nang ina mo, binulsa pa nila. Mamamatay ka na sa pagkakasakit. Kailangang sa politiko, ikaw ay kakapit”.

“Bata, bata ‘di marunong magbasa. Ang mga politiko, gusto’y mangmang sila. Nangbobola, mambobola, naniniwala ka. Nakapapagod na, tama na ang dinastiya.”
“Nasa Diyos ang awa nasa tao ang gawa. Gawa ka nang gawa pero bakit ka dukha. Palayain ang sarili, ‘di ka magsisisi. Kailan ka giginhawa, ipaglaban ang hustisya!”

“Tax ng Ina mo, tax ng ama mo. Tax nating lahat…”.

Tugmang-tugma ang bawat titik ng progresibo at napapanahong awit na ito habang minamadyik, este, nagtatalakayan ang mga senador at kongresista sa panukalang P6.793 trillion budget ng gobyerno para sa 2026. Tax natin ang perang ito kaya nararapat ang mahigpit nating pagbabantay upang hindi makulimbat ng mga dorobo sa gobyerno.

Mahiya naman kayo!

52

Related posts

Leave a Comment