Aksyong malasakit ni Konsi J. Domagoso, ipinadama sa Pritil Market vendors

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

ANAK ng tokwa naman, nasunugan na nga ang mga vendor ng Pritil Market, aba, sinisingil pa ng renta at ‘pag ‘di agad nakabayad, may penalties!

Okay sana, dear readers kung operational na ang Pritil Market, pero dumaan na ang mahigit dalawang taon, ang ipinangakong pagtatayo ng modernong palengkeng ito sa Pritil, hindi nangyari.

Nasunog kasi ang palengke noong April, 2023, at may bonggang groundbreaking ceremony pa si ex-Mayor Honey Lacuna-Pangan na nangako, within two years, isang bagong Pritil Market ang uusbong, maitatayo sa lugar.

Ay, ang garbo ng okasyon, daming picture taking, at ang ku-cute ng mga ngiti ni Honey at ng rejected Vice Mayor Yul Servo.

Inanunsyo pa sa media na pinondohan ng city government ang palengke ng P283.6 million na ‘pag daw naitayo, magpapaginhawa sa mga vendor, mamimili. Ay, ano ang nangyari, wala, nada.

Matapos ang bonggang pasinaya, pagtatayo ng mga pundasyon, after two years, amoy sunog pa rin ang Pritil Market, at ang mga vendor at mamimili, nagtitiis sa marumi, sira-sirang pamilihan, at ang ipinangakong modernong pasilidad, naipako sa masarap na pangako ng nakaraang administrasyon.

Mabuti na lamang, nakadalaw sa lugar si Manila 1st District Councilor Joaquin Domagoso – na tulad ng kanyang daddy, Yorme Isko Moreno – ay hands-on, sabi nga at dinadama ang pulso ng mamamayan.

Si Konsi Joaquin ay nagulat, aba naman, dalawang taon na, “under construction” pa rin ang Pritil Market, anyare sa ponding P283.6-M, tinangay na rin yata, ah? Hindi naman siguro, baka, hindi nailabas ng City Treasurer at ng Budget ng city hall.

Alam naman natin, sa nakaraang exposè ni Yorne Isko, bilyon-bilyong piso ng Manila taxpayers ang inilabas sa kaha ng Maynila noong bago at kainitan ng May 13 local elections, na tinabunan at tinambakan ang tandem ng Lacuna-Servo ng landslide na boto!

‘Yun sigaw ni Ate Simang na, “Hindi ka na babalik,” patungkol kay Yorme, hehehe, sa kanya nag-boomerang!

Eto ang nagpasakit sa puso ni Konsi Joaquin nang makausap niya ang mga vendor, aba, sila ay sinisingil pa rin ng renta at iba pang bayarin sa permit at pagtitinda sa nasunog na palengke, naman, petmalu.

Okay kung pareho rin lang ang kinikita ng mga manininda nong hindi pa nasusunog ang palengke, na sabi ng mga vendor kay Konsi Joaquin, ay ayos lang, nagdurugtong ng maalwang buhay sa kanila at totoong dinadagsa ng mamimili.

Pero sino ang magiging suki na customer sa sira-sira at amoy pang sunog na palengke ng Pritil, wala at ang mga suki ay sa ibang palengke na dumarayo sa Manila market para dun mamimili.

Kapos o sapat-sapat lamang ang kikinita nila, tapos, ganun pa rin ang singil at may mataas na penalties ‘pag hindi agad nakabayad.

Very unfair, petmalu, walang puso ang ganitong patakaran, at nakita ito ni Councilor Domagoso, kailangan nang matigil ang pagpapahirap sa mga vendor.

Agad siyang nag-file ng isang Ordinansa sa Manila City Council na pansamantala munang itigil ang mataas na renta at permit sa pagtitinda sa Pritil, kasi nga, mali: Wala na ngang gaanong kinikita, parurusahan pa ng penalties at iyon pa rin ang singil, ano, sunog pa rin ang palengke, wala ang mga magarbong palengke na ipinangako noon nina Honey at Yul.

Iba talaga si Konsi Joaquin, may pusong malasakit sa vendors at sa mamimili sa Pritil Market, at balita natin, baka imbestigahan kung bakit, dalawang taon na, ‘di pa natapos ang ipinangakong modernong Pritil Market.

Bubusisiin kung magkano na ang nailabas na pera sa pangakong modern market, kung sino-sino ang involve sa ‘di agad pagkumpleto sa proyekto, aba, uso pa naman ngayon ang mga tongpats, for the boys, raket, SOP sa mga proyekto noon sa Maynila, hello po, Congressman Chua at Congressman Valeriano.

Nang malaman ng mga vendor ang inisyatibo ni Konsi Joaquin, nasabi nila, “Like father, like son” ang poging konsehal, at eto pa ang magandang balita, baka, agad na maipasa ang panukala, lalo pa nga at si Vice Mayor Chi Atienza ay nanay na alam ang nadaramang paghihrap ng mga kapwa niya Manilenyo.

Iba talaga ‘pag may pusong Domagoso ang naglilingkod sa Maynila, tiyak agad-agad ang aksyong magpapagaan sa buhay at magpapadama na may gobyerno nga ngayon sa Maynila.

Masasabi, kakampi ng mamamayan ng Unang Distrito ng Maynila si Konsi Joaquin at maging sa buong mamamayan ng lungsod.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

48

Related posts

Leave a Comment