SESERYOSOHIN lang ng Mababang Kapulungan ng Kongreso si Baguio City Rep. Benjamin Magalong kung haharap ito sa Tri-committee at dalhin ang kanyang mga ebidensya na magpapatunay na maraming kongresista ang sangkot sa anomalya sa flood control projects.
Samantala, kinumpirma naman ni House committee on public account chairman at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon na posibleng simulan na ang pormal na imbestigasyon sa anomalya sa flood control projects sa susunod na linggo.
“The House will only take him seriously if his allegations on flood control anomalies are placed on the record, supported by documents and tested under questioning. That means naming names in the hearing, submitting contracts and fund flows, and swearing to the facts so accountability can follow,” ani Ridon.
Unang pinalagan ng ilang lider ng Kamara si Magalong dahil nag-aakusa umano ito na sangkot ang mga congressman sa nasabing anomalya subalit wala itong naipapakitang ebidensya na magpapatunay sa kanyang alegasyon.
Bukod dito, hindi anila nagbabanggit si Magalong ng pangalan ng mga kongresista na sangkot sa anomalya kaya buong institusyon ang nadadamay at nagiging suspek ang lahat ng mambabatas.
“If Mayor Magalong believes public funds were misused, he should help us prove it in committee. Bring the project lists, procurement papers and disbursement records. Put the facts under oath so we can separate rumor from wrongdoing and act on the evidence,” ayon pa kay Ridon.
Damang ang COA
Sa isang panayam kay Ridon, na siyang mangunguna sa imbestigasyon kasama ang House committee on public works at committee on good government and public accountability na posibleng isagawa umano sa susunod na linggo, sinabi nito na maging ang Commission on Audit (COA) ay pananagutin kung mapatunayan na kasabwat sila.
“Wala po tayong sasantuhin dito. For example na lang doon sa ghost projects, lahat po ng sangkot dyan mula umpisa hanggang dulo may kalalagyan po sila. Kahit po yung Commission on Audit na talagang nagbigay ng green light na “okey ang proyektong ito pero wala naman palang project,” ani Ridon.
“Ibig sabihin… pumirma sa kontrata, bids and awards committee, lahat ng nag-inspect doon sa listed projects… project engineers na nagsabi na “o ganda naman ng proyektong ito, di ba okey na ‘yan… lahat ng sangkot diyan meron silang kalalagyan dahil ghost projects ito na hindi nakita ng kahit sino,” dagdag pa ng mambabatas.
Kung may mga politiko, senador man o congressmen aniya ay hindi rin sasantuhin sa imbestigasyon lalo na kapag may sapat na ebidensya subalit bibigyan umano ang mga ito ng pagkakataon na magpaliwanag.
(BERNARD TAGUINOD)
