HINDI lamang si Pastor Apollo Quiboloy ang dapat panagutin kundi maging ang kanyang mga protektor kaya ito nakapaghasik ng lagim sa kababaihan sa matagal na panahon.
Ito ang iginiit ni dating Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa gitna ng umano’y extradition request ng Estados Unidos laban kay Quiboloy dahil sa kinakaharap niyang mabibigat na kaso tulad ng sex trafficking, paglabag sa immigration law, dollar smuggling at iba pa.
“Hindi lang si Quiboloy ang dapat managot. Panagutin din ang lahat ng mga backer at protektor niya—kabilang ang mga politikong hinayaan siyang maghasik ng lagim kapalit ng pakinabang sa pulitika. Kasama na rito ang mismong pamilyang Duterte na matagal na niyang kinasangkapan at kinapitan,” ani Brosas.
Samantala, hiniling naman ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña sa Department of Justice (DOJ) na agad na iproseso ang extradition request ng Amerika laban kay Quiboloy kapag natanggap na nila ito.
Ayon sa mambabatas, kahit nakakulong na si Quiboloy, hindi pa rin napuputol ang kanyang political at religious power sa Pilipinas kaya patuloy pa rin umanong nanganganib ang kaligtasan ng kanya umanong mga biktima.
“His inordinate access and influence within our country’s political establishment undermine investigations and endanger witnesses. For years, he concealed his crimes by silencing and intimidating victims. It is clear that true justice will evade his victims should he continue to remain in the Philippines,” ani Cendaña.
Dahi dito, sinusuportahan umano ng mambabatas ang panawagan ng ilan na isuko na si Quiboloy sa Amerika kahit hindi pa tapos ang paglilitis sa kanyang hiwalay na kaso sa Pilipinas upang masiguro na makamit ng mga biktima ang katarungan.
“I fully support his urgent extradition to the United States so that justice may finally prevail. No man, not even one claiming to be a son of God, is above the law — especially not one accused of such monstrous crimes against children and humanity,” dagdag pa ng mambabatas.
Ganito rin ang pahayag ni Deputy Speaker Jay Khonghun sa gitna ng pagtutol ng supporters at abogado ni Quiboloy sa extradition request dahil hindi pa tapos ang kaso nito sa Pilipinas.
“Trafficking is one of the most heinous crimes. It destroys lives and preys on the weakest among us. Walang sinuman ang dapat makatakas sa pananagutan, lalo na kung usapin ay pang-aabuso sa kababaihan at kabataan,” ani Khonghun kaya dapat isuko na umano si Quiboloy sa Amerika.
(BERNARD TAGUINOD)
