Paalala ng LCSP sa DOTr DUE PROCESS SA SHAME CAMPAIGN PAIRALIN

PINAALALAHANAN ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang Department of Transportation o DOTr sa plano nitong shame campaign laban sa mga lumalabag sa batas trapiko.

Ayon sa LCSP, mahalagang matiyak na nasusunod ang due process upang mapangalagaan ang karapatan ng mga motorista.

Para maging legal anila ang isang shame campaign, kailangan itong nakaayon sa tamang proseso ng batas. Dapat bigyan ng patas na pagkakataon ang lumabag upang maipahayag ang kanyang panig at maipagtanggol ang sarili.

Bukod dito, maaari anilang magdulot ng mga isyu sa privacy ang pagbubunyag ng personal na pangalan at detalye ng violator.

“Bagama’t maaaring makapigil ang hakbang na ito sa iba na lumabag sa mga batas-trapiko, kinakailangang magkaroon ng balanse dahil ang shame campaign na walang due process ay maaaring magbunga ng emosyonal at panlipunang epekto hindi lamang sa lumabag kundi maging sa kanyang pamilya.

Naniniwala kami na ang LTO ay maglalabas ng makatarungang polisiya hinggil sa mungkahing ito.

May kaukulang parusa na itinatalaga para sa mga paglabag sa batas-trapiko—ngunit ang pagpapahiya ay hindi kabilang dito,” bahagi pa ng pahayag ng LCSP.

Kaugnay nito, nilinaw ng DOTr na hindi lahat ng lumabag sa batas trapiko ay isasama nila sa shame campaign ng pamahalaan.

Ani DOTr Sec. Vince Dizon, ang kasama lamang sa kanilang “huwag n’yong tularan” o “huwag n’yong pamarisan list” ay mga motoristang mabigat ang paglabag.

Kumukonsulta anila sila sa mga abogado kaugnay ng pwede at hindi nila pwedeng gawin sa kanilang plano para wala silang malabag na batas.

Pero sinabi ni Dizon na seryoso sila sa kanilang planong isapubliko kada linggo ang pangalan ng mga violator driver.

Ang hakbang ng DOTr ay base na rin sa ulat ng Land Transportation Office na nakapag-isyu na sila ng 2,008 show cause orders laban sa mga pasaway na tsuper habang nasa 420 na mga lisensiya na kanilang ni-revoke.

Mataas ito kumpara sa buong taong 2024 na nasa 1,100 show cause orders lamang ang kanilang ipinadala sa mga motorista.

(PAOLO SANTOS)

40

Related posts

Leave a Comment