TORRE ‘DI MAGRE-RESIGN

WALA pang plano si dating Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III na magretiro kaya mananatili sa kanyang balikat ang 4-star na siyang pinakamataas na ranggo sa pambansang pulisya.

Sa ambush interview kay Torre sa Batasan Pambansa kahapon matapos siyang magdala ng cake kay Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima na nagdiriwang ng kanyang kaarawan, sinabi ni Torre na ang kanyang appointment lamang bilang PNP chief ang tinanggal sa kanya at hindi ang kanyang ranggo.

“Up to this moment there’s no turn-over so to speak off. Ang releave ko lang is for the appointment (bilang PNP) chief. I have to still get guidance whether im fired from the PNP so that I lose my four star general,” ani Torre.

Magugunita na noong Martes ay tinanggal bilang PNP Chief si Torre at kahapon sa unang pagkakataon ay nagpakita ito sa media sa Batasan Pambansa para dalhan ng cake si De Lima na isa sa unang bumisita sa kanya noong italaga siya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bilang PNP Chief noong June.

Ipinalit sa kanya ang 3-star general na si Melencio Nartatez at hangga’t hindi nagreretiro si Torre ay hindi ito pwedeng patungan ng isa pang estrelya sa balikat.

Nang muling tanungin kung kailan magre-retire, sinabi ni Torre na “that will be part of my statement in the coming days”.

Gayunpaman, sinabi ng heneral na ipagpapatuloy pa rin nito ang kanyang tungkulin bilang pulis at makikita pa rin umano siya ng mga tao sa kalsada at mag-aaresto ng mga lalabag sa batas.

Hindi sinagot ni Torre kung nagkausap na sila ni Marcos dahil executive privilege aniya ito at wala umano siyang planong tanggapin sakaling ialok sa kanya na pamunuan ang National Bureau of Investigation (NBI) dahil hindi siya kwalipikado.

(BERNARD TAGUINOD)

50

Related posts

Leave a Comment