SWAK sa kulungan ang isang 36-anyos na lalaki na suspek sa panghahalay makaraang malambat ng pulisya sa isinagawang manhunt operation sa Caloocan City.
Si Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio mismo ang nag-utos na tugisin ang suspek na si alyas “Popoy” na nakatala bilang no. 3 sa ten top most wanted persons sa NPD, at no. 5 TTMWP naman sa Caloocan City Police.
Base sa impormasyon natanggap ng mga tauhan ni Caloocan City Police acting chief, P/Col. Joey Goforth, naispatan sa isang barangay sa lungsod ang presensya ni alyas “Popoy” kaya’t agad nilang ikinasa ang operasyon.
Dakong alas-4:15 noong Martes ng hapon nang tuluyang makorner ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Caloocan City Police ang suspek sa PNR Compound, Samson Road, Barangay 80.
Hindi naman pumalag ang suspek nang arestuhin sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Presiding Judge ng Family Court Branch 1 ng Caloocan City para sa kasong rape na walang inirekomendang piyansa.
Sa lungsod ng Valenzuela, dalawang lalaki naman ang nadakip sa ikinasang anti-gambling operation ng pulisya at nakumpiskahan ng baril ang isa sa kanila, ayon kay Valenzuela City Police acting chief, P/ Col. Joseph Talento,
Napag-alaman, nakatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen ang mga tauhan ng Malinta Police Sub-Station 4, na may nangyayaring illegal gambling activity sa Area 4 Dumpsite, Barangay Malinta.
Bunsod nito, agad na nagresponde sa lugar ang mga pulis at naaktuhan ang mga suspek na naglalaro ng cara y cruz na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga ito.
Sinampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-Illegal Gambling Law) habang karagdagang kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang isinampa kay alyas “Dodong”.
(MARDE INFANTE)
