HINAMON ng tagapagsalita ni House Speaker Martin Romualdez na si dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers si Dasmarinas City, Cavite Rep. Francis “Kiko” Barzaga na ilabas na ang kanyang ebidensya laban sa lider ng Kamara.
“The issue now, kung siya ay may ebidensya eh bakit hindi niya ilabas?,” ani Barbers matapos igiit ni Barzaga na may personal siyang impormasyon na sangkot si Romualdez sa flood control projects kaya dapat itong isama sa mga iniimbestigahan.
Ayon sa mambabatas, hindi dapat sa social media ang pagpapasaring ni Barzaga kundi maglabas ito ng ebidensya upang makasagot ang inaakusahan nito ng katiwalian sa flood control projects.
Subalit ang problema aniya, kapag nagpo-post si Barzaga sa social media ay binabago niya ito pagkatapos ng isa o dalawang oras kung saan lahat ay binabatikos at inaakusahan na walang mailatag na basehan.
Idinepensa rin ni Barbers si Romualdez sa pagkuha nito ng tagapagsalita matapos itong punahin ni Negros Occidental Rep. Javier Miguel “Javi” Benitez na tila ginatungan naman ni Barzaga.
“Unang-una po, bakit may Speaker ang Speaker ng House?” tanong ni Benitez na sinagot naman ni Barzaga ng “A Speaker of the House who cannot speak for himself.”
Dahil dito, naikukumpara na sina Romualdez at Senate President Vicente Sotto III kay dating SP Francis Escudero na lagi umanong naiinterbyu ng media.
Ayon kay Barbers, bukas si Romualdez na sumagot sa mga katanungan ng media subalit maraming pagkakataon na hindi niya ito magawa dahil sa mga meeting at aktibidad.
Si Benitez ay anak ni Bacolod Rep. Albee Benitez na isa sa mga matunog na kandidato sa Speakership bago magbukas ang 20th Congress noong Hulyo habang si Barzaga ay anak ni dating congressman at National Unity Party (NUP) president Elpidio “Pidi” Barzaga.
Hindi rin naniniwala si Barbers na mapapalitan si Romualdez dahil nasa kanya ang suporta ng 90% miyembro ng Kamara.
(BERNARD TAGUINOD)
