P20 BIGAS PARA SA MASA, HANDOG NI GOV. UMALI SA BARANGAY DEL PILAR!

TARGET ni KA REX CAYANONG

NOONG Setyembre 11, naging makulay at makahulugan ang hapon para sa mga residente ng Barangay Del Pilar.

Ito’y matapos isagawa ang programang “Bigas Para sa Masa.” Mula 12:30 PM hanggang 3:00 PM, kung saan nagtipon ang mamamayan upang makabili ng bigas sa halagang 20 pesos kada kilo na malaking tulong lalo na sa panahong patuloy na tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Hindi maikakaila na ang bigas ang pangunahing pagkain ng bawat pamilyang Pilipino.

Kaya naman, ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga Novo Ecijano na makabili ng murang bigas ay hindi lamang nakabawas sa kanilang gastusin kundi nagbigay rin ng katiwasayan sa kanilang mga hapag-kainan.

Sa simpleng halaga, nadama ng marami na tunay na iniintindi ng pamahalaan ang kanilang pangangailangan.

Handog ito ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamumuno nina Gov. Oyie Umali at Vice Gov. Lemon Umali, na walang sawang nagsusulong ng mga programang direktang nakikinabang ang masa.

Kasama rin sa pagsuporta si Mayor Trina Andres, na laging katuwang ng mga lider panlalawigan sa paghahatid ng serbisyong may malasakit.

Ang naturang programa ay patunay na kapag nagkaisa ang lokal at panlalawigang pamahalaan, nagbubunga ito ng konkretong benepisyo para sa mga tao.

Aba’y hindi lamang ito simpleng pamamahagi ng bigas, kundi simbolo ng pagkalinga at pagbibigay-diin sa kapakanan ng bawat pamilyang Novo Ecijano.

Kung tutuusin, maaaring hindi nito tuluyang masolusyonan ang problema ng mataas na presyo ng bilihin, ngunit ito’y nagsilbing kagyat na ginhawa para sa marami.

Marami ang umuwi nang may ngiti sa labi, dala ang bigas na hindi na kailangang ipagsapalaran sa mahal na halaga.

Hiling ng marami na ang “Bigas Para sa Masa” ay hindi lamang manatili sa Barangay Del Pilar kundi maikalat din sa iba pang barangay.

Sa ganitong paraan, mas marami pang Novo Ecijano ang makararanas ng ginhawa at malasakit mula sa kanilang mga pinuno.

Sabi nga, to ang tunay na diwa ng pamumuno—ang maghatid ng tulong na direktang mararamdaman ng taumbayan.

59

Related posts

Leave a Comment