Nagbabala laban sa disinformation AFP, DND MULING ITINANGGI KUMALAT NA COUP PLOT

NAGBABALA ang Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa mga kumakalat na maling impormasyon at mapanlinlang na larawan sa social media na layong maghasik ng pagkakawatak-watak at sirain ang tiwala ng publiko sa Hukbong Sandatahan.

Ayon sa AFP, isa sa mga pekeng ulat ang pagdikit ng maling testimonya sa isang larawan na nagsasabing isang aktibong Marine ang sangkot sa ilegal na gawain ng militar kaugnay ng imbestigasyon sa multi-bilyong flood control projects. Nilinaw ng AFP na ang tinutukoy na indibidwal na si Orly Guteza ay matagal nang sibilyan matapos magretiro noong Hunyo 30, 2020, at nagsimulang magtrabaho bilang pribadong aide ng isang mambabatas noong 2024. “The central claim is chronologically impossible and therefore fabricated,” ayon sa fact check na inilabas ng AFP.

Itinanggi rin ng militar ang isang larawang nagpapakita sa ilang opisyal ng AFP kasama si dating House Speaker Martin Romualdez na may caption na “Martin Romualdez chain of command.”

Ayon sa AFP, ang nasabing litrato ay isang routine at opisyal na courtesy call na sinadyang baluktutin upang lumikha ng maling naratibo.

Mariing pinabulaanan din ng AFP ang mga ulat hinggil sa umano’y kudeta na niluluto ng Central Intelligence Agency (CIA), AFP at Defense Secretary Gilberto Teodoro laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Tinawag ng militar ang mga kumakalat ng ganoong impormasyon na “traitors working to undermine peace, stability, and the integrity of our democratic institutions.”

Kasabay nito, naglabas din ng pahayag ang Department of National Defense (DND) na tinawag na “preposterous” at walang basehan ang umano’y coup plot. “At this time when our focus and resources must be devoted to improving the lives of our people, addressing threats to our very sovereignty, and advancing our national interests, those spreading such rumors must be asked — who benefits and who suffers?” ayon sa DND.

Dagdag pa ng kagawaran, nananatiling tapat ang AFP sa Konstitusyon at sa chain of command, at buo ang kanilang paninindigan na ipagtanggol ang Republika.

(JESSE KABEL)

164

Related posts

Leave a Comment