NAGPAHAYAG ng buong suporta si Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia sa Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos pabulaanan ng militar ang mga kumakalat na tsismis tungkol sa umano’y planong destabilisasyon at kudeta laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Walang katotohanan ang mga kuwento ng kudeta,” ani Goitia. “Tapat ang AFP sa kanilang sinumpaan sa ilalim ng Konstitusyon, tapat sila sa kanilang Commander-in-Chief, at tapat sila sa sambayanang Pilipino. Walang haka-hakang tsismis na makakasira sa katapatan ng ating mga sundalo.”
Kamakailan ay nagbabala ang AFP na hindi nila palalampasin ang pagpapakalat ng maling balita online tungkol sa kudeta. Mariin nila itong tinawag na “moro-moro” o gawa-gawang tsismis para lamang maghasik ng takot at kawalan ng tiwala sa gobyerno.
Pinagtibay ito ni Goitia at tinawag na klasikong taktika ng maling impormasyon. “Hindi makabayang Pilipino ang nagpapakalat ng ganitong usap-usapan. Ang nais nila ay kaguluhan. Handang isugal ang katatagan ng bayan habang ang karaniwang tao ay nagsusumikap para may maipakain sa pamilya. Ito ay propaganda ng paninira at sabotahe,” giit niya.
Binigyang-diin din ni Goitia na ang tunay na laban ay hindi ang mga gawa-gawang kudeta kundi ang korupsyon. “Dito nagdurusa ang taumbayan. Ito rin ang laban na pinili ng administrasyong Marcos, kaya’t may mga gustong iligaw ang publiko gamit ang mga tsismis ng destabilisasyon,” dagdag niya.
Pinuri rin niya ang AFP sa ipinapakitang propesyonalismo. “Wala na tayo sa panahon ng kudeta. Alam ng ating mga sundalo ang kanilang tungkulin: ipagtanggol ang Republika, hindi wasakin. Dito nagkakaisa ang militar, at dito nagmumula ang lakas ng bayan,” aniya.
Para kay Goitia, malinaw ang mensahe: nagkakaisa ang pamahalaan at militar, at dito sumasandig ang taumbayan. “Sa bawat tsismis na ating binabasag, mas tumitibay ang ating demokrasya. Ang mga nagtatangkang humadlang sa pagbangon ng bansa ay hindi lang kalaban ng Pangulo, kundi kalaban ng sambayanang Pilipino,” dagdag niya.
“Simple lang ang katotohanan: tapat ang AFP, matatag ang ating mga institusyon, at nasa likod ni Pangulong Marcos ang taumbayan. Kaya’t hindi matitinag ang Republika,” pagtatapos ni Goitia.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na makabayan at sibikong organisasyon: Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.
