NAGPASALAMAT si AGAP Party-list Rep. Nicanor “Nikki” Briones kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos lagdaan ang Republic Act No. 12308 o Animal Industry Development and Competitiveness Act noong Setyembre 25, 2025.
Lubos ang kagalakan ni Briones, isa sa mga pangunahing may-akda at sponsor ng naturang batas, na isinumite pa ng AGAP noong 2022.
Ayon sa kongresista, maglalaan ng P20 bilyon hanggang P30 bilyon kada taon sa loob ng 10 taon sa pamamagitan ng Animal Competitiveness Enhancement Fund (AnCEF).
Ang pondo ay magmumula sa taripa ng imported na baboy, manok, baka at dairy products.
Gagamitin ang pondo sa mga programa para sa: Repopulation at herd build-up, Animal health and welfare, kabilang ang vaccine development at stockpiling, Cash assistance sa mga naapektuhan ng animal disease outbreaks tulad ng ASF at bird flu, Pagtatayo at pagpapabuti ng slaughterhouses, poultry dressing plants, at storage facilities, Pag-develop ng feeds, forage, at fodder, at Credit facilities para sa livestock at poultry sector.
Sa ilalim ng RA 12308, ang Bureau of Animal Industry (BAI) na ang magiging pangunahing regulatory agency para sa veterinary drugs, biologics, at vaccines.
Ipinahayag ni Briones na palalakasin ng batas ang industriya ng baboy, baka, at manok sa pamamagitan ng suporta sa maliliit na magsasaka, pagpapalakas ng biosecurity, at modernisasyon upang maging globally competitive ang sektor.
“Isang bagong pag-asa ito para sa ating mga magsasaka at sa buong livestock at poultry industry,” ani Briones. Pinapurihan din niya sina dating House Speaker Martin Romualdez, ex-Sen. Cynthia Villar, Rep. Mark Enverga, Agriculture Secretary Kiko Laurel, at iba pang tumulong sa pagpasa ng batas.
