(NI JEDI PIA REYES)
MAKARAAN ang anim na taon nang humagupit ang mapaminsalang super typhoon Yolanda, hindi pa rin nagagamit ng Office of Civil Defense (OCD) ang kabuuan ng P135.39 milyong donasyon para sa mga biktima ng trahedya.
Ayon sa Commission on Audit (COA), nasa mahigit P40 milyon pa ang naiwan sa pondo matapos na maibigay na bilang tulong sa mga biktima ang P94.4 milyon ng donasyon.
Ang nasabing donasyon ay natanggap ng OCD mula sa mga lokal at dayuhang indibidwal at organisasyon at hindi mula sa Department of Budget and Management (DBM) o iba pang ahensya ng gobyerno.
Wala namang ibinigay na rekomendasyon ang COA sa OCD patungkol sa pagpapagamit na ng donasyon at hindi rin ito pinagpapaliwanag.
Samantala, tinawag naman ng pansin ng COA ang OCD dahil sa paggamit lamang nito ng P10,000 noong 2018 mula sa P36.92 milyong donasyon para sa mga biktima ng 5-buwang giyera sa Marawi City noong 2017.
Ang nabawas na halaga ay ibinigay na ayudang pinansiyal para sa pamilya ng isa sa mga nasawing biktima ng sagupaan.
“Clearly, the donations were not utilized to provide for the much needed support of the Marawi siege victims,” ayon sa audit report ng COA.
“The poor utilization of the donated funds defeated the purpose of donation and that the good intention of the donors for human consideration was not fully served,” dagdag pa nito.
Sa ilalim ng National Disaster Coordinating Council Memorandum Order No. 13, maaaring maibigay ang P10,000 financial assistance kung may nasawi sa miyembro ng pamilya at P5,000 kung may nasugatan.
Gayunman, sinabi ng COA na nahihirapan ang mga pamilya na makuha ang benepisyong ito dahil sa mga hinihinging dokumento.
211