SA gitna ng umiinit na isyu ng ghost projects at umano’y iregularidad sa flood control programs, ibinunyag ni dating Quezon City Councilor Allan “Butch” Francisco ng District 5 ang tungkol sa dalawang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na may kabuuang halaga na mahigit P81 milyon, na umano’y itinayo sa loob ng isang high-end subdivision sa Quezon City.
Ayon kay Francisco, ang tinutukoy na mga proyekto ay: Rehabilitation of Flood Control Structure sa Brittany Annex, Brgy. Sta. Monica na nagkakahalaga ng ₱48,999,585.20 sa ilalim ng Contract No. 24OF0022; at Rehabilitation of Flood Control Structure – Phase 2 sa Brgy. Pasong Putik na nagkakahalaga ng ₱32,360,105.52 sa ilalim ng Contract No. 24 OF 0128 na kapwa nasa ilalim ng DPWH Quezon City 1st District Engineering Office.
Batay sa pananaliksik ng dating konsehal, ang mga ito ay isinagawa sa loob ng Neopolitan Brittany Subdivision — isang pribado at mamahaling village kung saan ang mga bahay at lote ay nagkakahalaga ng hindi bababa sa P30 milyon.
Ipinagtaka ni Francisco kung bakit inilaan ang malaking pondo para sa flood control sa isang pribadong subdivision na halos bakante pa, sa halip na sa mga lubog sa bahang barangay tulad ng Gulod, San Bartolome, at Bagbag sa parehong distrito.
“Mariin naming kinukuwestiyon kung bakit inilaan ang ganitong kalaking pondo sa isang pribadong subdibisyon,” ani Francisco.
“Nanawagan kami sa DPWH-QC 1st District Engineering Office na magpaliwanag at magsagawa ng imbestigasyon kung may maling paggamit ng pondo ng bayan.”
Dagdag pa ni Francisco, kapansin-pansin na hindi binanggit sa contract title ang pangalang Brittany Subdivision, kundi street names lamang gaya ng Bishop Avenue, Beverly Avenue, at Bradford Avenue — na pawang nasa loob ng nasabing village.
“Malamang sinadya ito para maitago na ang proyekto ay nasa loob ng high-end area,” dagdag pa niya.
“Ang tanong, sino ang nakinabang — ang mahihirap bang taon-taon binabaha, o ang developer na dapat may sariling drainage system?”
Batay sa ulat ng DPWH, nakasaad na “on-going” pa ang proyekto. Ngunit sa isinagawang inspection, walang nakitang kagamitan, materyales, o manggagawa sa lugar.
Sa kontrata, nakasaad na dapat ay nagsimula ang proyekto noong Marso 18, 2024 at matatapos sa loob ng 300 araw, ngunit hanggang ngayon ay nananatili umano itong “on-going.”
Tinukoy ni Francisco na ang mga proyekto ay inaprubahan nina District Engineer Loida Busa at Assistant District Engineer Arturo Gonzales Jr., na siya ring BAC Chairman ng QC 1st District Engineering Office.
“Ang mga pondong ganito kalalaki ay dapat inilalagay sa mga barangay na tunay na lumulubog sa baha, hindi sa mga pribadong subdibisyon,” giit ni Francisco.
(JOEL AMONGO)
