KASADO na ang panibagong taas-presyo ng mga produktong petrolyo ngayong Martes.
Batay sa abiso ng mga kumpanya ng langis, may dagdag na P0.80 kada litro sa diesel at P0.20 kada litro sa gasolina. May P0.20 rin na umento sa presyo ng kerosene.
Epektibo ang price adjustment ng karamihan sa mga oil company pagsapit ng alas-6:00 ng umaga ngayong Martes.
Ito na ang ikapitong sunod na linggo ng taas-presyo sa mga produktong petrolyo.
Kabilang sa mga unang nag-anunsyo ng paggalaw sa presyo ang Seaoil, Shell Pilipinas, Cleanfuel, at Petro Gazz.
Ayon sa Jetti Petroleum, ang pagtaas ng presyo ngayong linggo ay bunsod ng patuloy na geopolitical tension na nagdudulot ng pangamba sa supply disruption sa pandaigdigang merkado.
Isa rin umanong salik ang paghina ng piso kontra sa dolyar, na nagpalala sa epekto ng pagmahal ng imported na langis.
Samantala, inihayag ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC+), kabilang ang Russia, na plano nilang dagdagan ang produksyon ng langis ng 137,000 barrels kada araw sa Nobyembre.
Gayunman, inaasahang mas maliit pa rin ito kumpara sa produksyon ngayong buwan, bilang hakbang upang maiwasan ang labis na suplay sa merkado.
(CHAI JULIAN)
