ABANDONED, FORFEITED ITEMS NG BOC ITINULONG SA QUAKE VICTIMS

NAGHATID na rin ng tulong ang Bureau of Customs para sa mga biktima ng pagyanig sa Cebu kamakailan.

Ayon sa BOC, ginamit nilang pantulong ang abandoned at forfeited items na nasa kanilang pag-iingat.

Sa pangunguna ng Manila International Container Port, itinurn-over ng BOC sa Office of Civil Defense ang nakumpiskang mga kargamento na idineklarang abandoned at forfeited pabor sa pamahalaan.

Kabilang dito ang mahigit 100 sako ng bigas, 56 Rapid Emergency Tents at higit 1,000 tents para pansamantalang tirahan, 50 mobile power supply units para sa kuryente, at isang bio-toilet unit para sa tamang sanitasyon ng evacuees.

Mga kargamentong iniwan o hindi na-claim ng mga importer ang abandoned goods na nakumpiska dahil sa paglabag sa customs laws—tulad ng misdeclaration, undervaluation, o hindi pagbayad ng tamang buwis. Kapag ganito ang kaso, awtomatikong nagiging pag-aari ng gobyerno ang mga produkto.

Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, na dati ring Administrator ng OCD, mahalaga ang mga ganitong kargamento na hindi masayang dahil magagamit ito para sa pakinabangan ng mamamayan lalo na sa panahon ng sakuna o kalamidad.

Giit ng opisyal, may kaakibat na pag-asa ang bawat sako ng bigas at bawat tent sa ganitong mga pagkakataon.

(JOCELYN DOMENDEN)

23

Related posts

Leave a Comment