MERALCO HANDANG SUPORTAHAN ANG PAGLAGO NG EKONOMIYA NG BATANGAS

Binigyang diin ng Manila Electric Company (Meralco) na pinangungunahan ni Manuel V. Pangilinan, ang kahandaan ng kumpanya na suportahan ang paglago ng ekonomiya ng Batangas sa pamamagitan ng pagpapabuti ng serbisyo ng kuryente sa lalawigan.

Handa ang Meralco na tugunan ang lumalaking pangangailangan sa maaasahan at tuluy-tuloy na serbisyo ng kuryente sa Batangas lalo na at ang lalawigan ay isang umuusbong na lugar para sa mga negosyo. Nais ng Meralco na tumulong mapabuti ang serbisyo ng kuryente sa Batangas sa pamamagitan ng makabago nitong distribution network at pagbabahagi ng teknikal na kaalaman.

Sa kasalukuyan, pinaglilingkuran ng Meralco ang mga bayan ng Sto. Tomas, Batangas City, at San Pascual. Layunin ng Meralco na palawakin pa ang nakamit na bilis ng paglago ng ekonomiya sa mga lugar na ito sa iba pang bahagi ng lalawigan.

Ayon kay Meralco Senior Vice President at Chief External and Government Affairs Officer Arnel D. Casanova, nagpahayag na ang kumpanya ng intensyon nitong makipagtulungan sa dalawang electric cooperative (EC) na nagseserbisyo sa Batangas—ang Batangas Electric Cooperative (BATELEC) I at II.

Mula 1992 hanggang 2024, ang mga lugar sa Batangas na pinaglilingkuran ng Meralco ay nagtala ng cumulative annual growth rate na 13.6 percent, mas mataas kumpara sa mga lugar na hindi sakop ng serbisyo ng Meralco. Sa kabila ng limitadong saklaw nito sa lalawigan, umabot sa 2,034 MW ang kabuuang energy sales ng Meralco noong nakaraang taon—halos doble ng 1,304 MW ng BATELEC II at halos apat na beses ang laki kumpara sa 547 MW ng BATELEC I.

“Handa ang Meralco na suportahan ang BATELEC I at II upang lalo pang mapabuti ang serbisyo ng kuryente sa Batangas. Narito kami upang tumulong—hindi palitan—ang mga kooperatiba. Sa
pamamagitan ng pagtutulungan, kaya natin itaas ang kalidad ng serbisyo ng kuryente at buksan ang mas malawak na potensyal pang-ekonomiya para sa Batangas,” ani Casanova.

Pormal nang inihain ng Meralco nitong taon ang panukala nito para sa isang joint venture kasama ang BATELEC I at II upang mas mapabuti pa ang serbisyo ng kuryente sa lalawigan ng Batangas.

Bilang pinakamalaking distribution utility sa bansa, ang serbisyong hatid ng Meralco sa Batangas ay sumasalamin sa mas malawak nitong misyon na suportahan ang paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng paghahatid ng tuluy-tuloy, ligtas, at maaasahang serbisyo ng kuryente para maitaguyod ang inklusibong pag-unlad.

27

Related posts

Leave a Comment