NAGLABAS na ang Land Transportation Office (LTO) ng show cause order laban sa driver ng luxury sport utility vehicle (SUV) na sangkot sa viral na insidente ng alitan sa trapiko sa Quezon City.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, inilabas ang kautusan noong Oktubre 11 upang atasan ang driver na ipaliwanag ang mga pangyayari sa insidente na umani ng malawak na atensyon sa social media.
Inutusan din ni Lacanilao si Renante G. Melitante, hepe ng LTO Intelligence and Investigation Division, na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa mga posibleng paglabag sa batas-trapiko at sa mga alituntunin sa pagpaparehistro ng sasakyan.
Batay sa ulat, ang nasabing sasakyan—isang Lexus LX570—ay gumagamit ng blinker at “10” protocol plate, na nakalaan lamang para sa mga mahistrado ng Court of Appeals, Court of Tax Appeals, Sandiganbayan, at Office of the Solicitor General. Napag-alamang hindi kabilang ang pasahero sa alinman sa mga naturang opisina.
Kinilala sa mga kumalat na video online ang pasahero na si Undersecretary Ricky Alfonso ng Department of Transportation and Communications (DOTr). Makikita sa kuha na nagkaroon ng komprontasyon ang kanyang driver at security aide laban sa driver ng isang Isuzu multicab, kung saan umano’y sinampal ang huli.
Binigyang-diin ni Lacanilao na mananatiling patas ang LTO sa pagpapatupad ng batas.
“Ang paggamit ng mga blinker, sirena, at protocol plate ay mahigpit na kinokontrol. Hindi namin kukunsintihin ang maling paggamit ng mga ito, lalo na ng mga opisyal na dapat magsilbing huwaran,” aniya.
Ipinaalala rin ng LTO ang bisa ng Administrative Order No. 18 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Abril 2024, na nagbabawal sa paggamit ng sirena, blinker, at iba pang aparato sa mga sasakyan ng opisyal ng pamahalaan, maliban kung kabilang sa mga tagapagpatupad ng batas o pang-emergency na serbisyo.
Inatasan ang driver na humarap sa LTO upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang kanyang lisensya dahil sa posibleng paglabag.
Samantala, kinumpirma ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na humingi ng tawad si Undersecretary Alfonso sa kabilang motorista at sinibak ang kanyang driver matapos ang insidente.
(PAOLO SANTOS)
57
