LIBRE NA LIBING SA MAHIHIRAP

LIBRE na ang libing ng mahihirap na Pilipino matapos awtomatikong maging batas ang “Free Funeral Services Act” o Republic Act No. 12309, kahit walang pirma ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Kinumpirma ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na nag-“lapse into law” ang nasabing panukala noong Setyembre 28, 2025, ibig sabihin ay naging ganap na batas kahit hindi nilagdaan ng Pangulo.

Sa ilalim ng RA 12309, obligado na ang gobyerno na magbigay ng libreng serbisyong libing sa mga pamilyang itinuturing na “in crisis situation” — kabilang ang mga mahihirap, biktima ng kalamidad, o mga dumaranas ng emerhensiya, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sakop ng libreng package ang lahat mula sa pag-aasikaso ng papeles, embalsamo, kabaong o urn, transportasyon, cremation, hanggang sa libing mismo. Ang mga funeral establishment na makikiisa sa programa ay babayaran ng DSWD regional offices batay sa aprubadong kontrata.

Bago ito maisabatas, nagbibigay na ng funeral assistance ang DSWD mula ₱5,000 hanggang ₱50,000 sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program. Ang paunang pondo para sa bagong batas ay kukunin mula sa ₱44.75-bilyong badyet ng AICS.

Gayunman, walang nakalaang pondo para sa Free Funeral Services Act sa panukalang 2026 budget ng DSWD, kaya inaasahang hihilingin ng mga mambabatas ang dagdag na pondo sa susunod na deliberasyon.

Layon ng batas na matulungan ang mga Pilipinong hirap magpatapos ng libing at bigyan sila ng disenteng pamamaalam sa kanilang mga mahal sa buhay, bilang bahagi ng kampanya ng gobyerno para sa mas makataong serbisyong panlipunan.

(CHRISTIAN DALE)

54

Related posts

Leave a Comment