HANDA umano si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na pangunahan ang pagsasapubliko ng kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) — isang hakbang na matagal nang hinihiling ng publiko bilang sukatan ng transparency at integridad ng mga opisyal ng gobyerno.
“Kung kinakailangan, siyempre lead by example tayo,” ani Dy sa isang panayam kahapon, kasunod ng pag-alis ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla sa mga restriksyon sa SALN na unang ipinatupad ni dating Ombudsman Samuel Martires.
Ayon kay Dy, lahat ng miyembro ng 20th Congress ay bukas sa pagsasapubliko ng kanilang SALN upang makita ito ng taumbayan. Ngunit bilang lider ng Kamara, siya mismo ang unang maglalabas ng kanyang SALN bilang pagpapakita ng magandang ehemplo.
Pahayag pa ni Dy, pupulungin niya ang mga kongresista kahit naka-recess upang maihanda agad ang mga panuntunan sa paglalabas ng SALN.
“ASAP ‘yan eh. Alam mo naman kahilingan ng ating mga kababayan — makita ang SALN ng mga congressmen,” ani Dy.
Ipinaubaya ni Remulla sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang pagbalangkas ng regulasyon hinggil sa pagsasapubliko ng SALN ng mga mambabatas. Giit ni Dy, hindi ito bago dahil bago siya umalis sa Kongreso noong 2013, isinapubliko naman noon ang SALN ng mga miyembro ng Kamara.
“Wala akong nakikitang dahilan para tutulan ito ngayon,” dagdag pa niya.
Samantala, ikinatuwa ng Makabayan bloc sa Kamara ang hakbang ni Remulla. Ayon kay ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, ito ay “isang malaking hakbang tungo sa transparency at accountability.”
“Ang SALN ay hindi pribadong dokumento — ito ay pampublikong rekord na dapat accessible sa lahat ng mamamayan,” diin ni Tinio.
Sa pagbubukas ng SALN records, umaasa ang publiko na ito na ang simula ng mas bukas at tapat na pamahalaan sa ilalim ng liderato ni Speaker Dy.
(BERNARD TAGUINOD)
