Sa kawalan ng tulay sa tinatawirang ilog 100 ESTUDYANTE NAGPALIPAS NG MAGDAMAG SA PAARALAN

PINAMAMADALI ngayon ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) ang konstruksyon ng tulay sa Barangay Pisompongan, Zamboanga del Sur sa ilalim ng Payapa at Masaganang Pamayanan (Pamana) program.

Ito’y matapos ma-trap ang humigit-kumulang 100 mag-aaral ng Pisompongan Integrated School (PIS) matapos lumaki ang ilog na kanilang tinatawid pauwi, kasabay ng malakas na agos ng tubig noong Martes ng hapon. Dahil sa peligro, nagpasya ang mga guro na huwag na silang pauwiin at manatili na lang sa loob ng paaralan para sa kanilang kaligtasan.

Ayon kay Gideon Goc-ong, punong guro ng PIS, kabilang sa mga na-trap ang mga estudyanteng mula kindergarten hanggang Grade 10. “Mas ligtas silang manatili sa paaralan kaysa ipilit na tumawid sa rumaragasang ilog,” aniya. Pinakain at inasikaso umano ang mga bata habang patuloy ang koordinasyon ng mga guro sa mga magulang at opisyal ng barangay.

Matatandaang naging viral ilang buwan na ang nakalipas ang video ng mga batang Pisompongan na tumatawid sa delubyong ilog para makapasok sa paaralan. Dahil dito, personal na inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si OPAPRU Secretary Carlito Galvez Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo na magpatayo ng tulay sa naturang lugar.

Ayon kay Galvez, naipagkaloob na ng OPAPRU ang P48 milyon mula sa kabuuang P60 milyong pondo para sa proyekto nitong Setyembre 29, 2025. Gayunman, aabutin pa umano ng apat hanggang anim na buwan bago ito tuluyang makumpleto.

Ligtas na ngayon ang mga batang estudyante at nananatiling prayoridad ng ahensya ang agarang pagtatapos ng tulay upang hindi na muling malagay sa panganib ang buhay ng mga residente, lalo na ng mga bata.

(JESSE RUIZ)

55

Related posts

Leave a Comment