CAVITE – Pinatay sa saksak ang manager ng isang kumpanya ng dating boyfriend ng live-in partner nito, sa kanilang bahay sa bayan ng Alfonso sa lalawigan noong Sabado ng gabi.
Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Poblete Memorial Hospital ang biktimang si alyas “Abert”, 33, ng Brgy. Pajo, Alfonso Cavite dahil sa tama ng mga saksak sa katawan.
Hawak na ng pulisya ang suspek na si alyas “Hospicio”, 28, isang barbero, residente ng Brgy. Poblacion 2, Alfonso, Cavite.
Ayon sa ulat, pinuntahan ng nakainom na suspek ang kanyang ex-girlfriend sa bahay ng biktima sa Brgy. Pajo, Alfonso, Cavite bandang alas-11:50 ng gabi.
Hinihinalang nagkaroon ng komprontasyon ang dalawa hanggang sa naglabas ng patalim ang suspek at pinagsasaksak ang biktima.
Matapos ang insidente ay tinangkang tumakas ng suspek subalit naabutan ng barangay officials habang ang biktima ay isinugod sa ospital ngunit namatay habang nilalapatan ng lunas.
(SIGFRED ADSUARA)
