2 PATAY SA LAW ENFORCEMENT OPS SA BOHOL

BOHOL – Dalawa ang namatay kabilang provincial most wanted person, matapos makipagbarilan sa mga pulis na nagsasagawa ng law enforcement operation sa Upper Candait, Barangay Dampas, Tagbilaran City noong Miyerkoles ng madaling araw.

Ayon kay Bohol Police Provincial Office spokesperson, Police Lt. Col. Norman Nuez, nagsagawa ng pagpapatupad ang mga awtoridad ng warrant of arrest na inisyu ng korte kaugnay sa kasong murder at frustrated murder.

Subalit bago pa tuluyang maisilbi ang hawak nilang warrant of arrest ay pinili umanong huwag magpahuli nang buhay ng akusadong si alyas “Ondoy”, 40-anyos, at biglang pinaputukan ng mga suspek ang arresting officers kaya nagkaroon ng palitan ng putok.

Kapwa napatay ang dalawang lawless elements kabilang si alyas “Ondoy” na itinuturing na top 2 provincial level most wanted person.

Ayon kay Lt. Col Nuez, bahagi ang nasabing law enforcement operation ng kanilang Oplan Limpyo Tagbilaran na isang hakbangin upang linisin ang lungsod mula sa mga kriminal at tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan.

Samantala, narekober mula sa crime scene ang isang .45 caliber pistol; 1 KG 9 na baril; 1 pakete at ilang piraso ng medium-sized na heat-sealed sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu; at isang sasakyan na walang plaka.

Binigyang-diin pa niya na patunay lamang ang operasyon sa tuloy-tuloy na pagsisikap ng mga awtoridad sa pagtugis at pagdakip sa wanted persons at kriminal para mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng publiko.

(JESSE RUIZ)

37

Related posts

Leave a Comment