SUSPEK SA PAGPATAY SA ABC PREXY ARESTADO

Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga — Matapos ang mahigit isang taong pagtatago, naaresto sa isinagawang police operation ang isa sa apat na mga suspek sa pagpaslang kay Bulacan Association of Barangay Captains president, Bokal Ramil Capistrano at sa driver nito noong Miyerkoles ng madaling-araw sa Barangay Tangos South, Navotas City.

Ang arestadong suspek ay iniharap nina Governor Daniel Fernando, Vice Gov. Alex Castro at Bulacan PNP provincial director, PCol. Angel Garcillano sa media sa ginanap na press conference sa Camp Alejo Santos sa Malolos City, na kinilalang si Christian Roxas alyas “Lupin”, 35, residente ng Brgy. Tangos South, Navotas City, nahaharap sa 2 counts ng murder, gayundin ang tatlo pang kasamahan nitong sina Police Staff Sergeant Ulysses Pascual, nakatalaga sa Camp Crame; Cesar Mayoralgo Gallardo Jr., at isang alyas “Jeff”.

Si “Lupin” ay naaresto ng Tracker Team ng Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) katuwang ang Bulacan 1st Provincial Mobile Force Company at Navotas City Police Station.

Isinagawa ang operasyon sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Hon. Felizardo Soriano Montero Jr., Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 11, Malolos City, Bulacan, noong Pebrero 20, 2025, na walang inirekomendang pyansa.

Ang mga suspek ay positibong itinuro ng mga saksi sa krimen at sa backtracking ng CCTV footage.

Bukod kay Capistrano, napatay rin sa nasabing pananambang ang kanyang driver na si Shedrick S. Toribio noong Oktubre 3, 2024, sa Brgy. Ligas, Malolos City habang sakay ng itim na Mitsubishi Montero habang pauwi mula sa dinaluhang sesyon sa Sangguniang Panlalawigan.

Nabatid sa imbestigasyon, apat na uri ng baril ang ginamit ng mga suspek kabilang ang dalawang .9mm pistol, Super .38 caliber at isang .45 caliber.

Ayon kay Gov. Fernando, may nakalaang P.5-milyon sa pag-aresto sa mga suspek.

Lubos ding pinasalamatan ni Fernando ang mga pulis sa pagkakadakip sa suspek at umaasang madadakip din ang iba pang mga suspek.

“Makakaasa po ang ating mga kababayan na isinasagawa ng ating mga operatiba ang mga follow-up operations upang matukoy at madakip ang iba pang mga sangkot sa krimen. Sa ngalan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, muli kong ipinapaabot ang aking patuloy na suporta at pakikidalamhati sa mga naulila ni Board Member Ramil, lakip ang pangako ng ating pamahalaan: na patuloy nating ipaglalaban ang hustisya at kapakanan ng ating mga kalalawigan,” ani Fernando.

Pinuri rin ni PBGen. Ponce Rogelio I. Peñones Jr., Regional Director ng Police Regional Office 3, ang kasipagan at koordinasyon ng mga yunit na nagsagawa ng operasyon.

“Ang pagkakahuli sa isa sa mga pangunahing suspek sa pagpatay kay ABC President Capistrano at kanyang driver ay patunay ng walang humpay na pagsisikap ng ating kapulisan sa paghahatid ng hustisya. Alinsunod sa PNP Focused Agenda ni Acting chief, PNP PLt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., patuloy na isinusulong ng PRO3 ang mapayapa at ligtas na komunidad sa pamamagitan ng Enhanced Managing Police Operations at ng pagtataguyod ng propesyonalismo sa hanay ng ating kapulisan,” wika ni Peñones.

(ELOISA SILVERIO)

18

Related posts

Leave a Comment