120 ESTUDYANTE, GURO NA-FOOD POISON

UMABOT sa mahigit 120 estudyante at guro mula sa Manuel S. Enverga University Foundation (MSEUF) sa Lucena City, Quezon Province ang isinugod sa Immaculate Concepcion Hospital sa Baybay City, Leyte matapos makaranas ng pagsusuka at pananakit ng tiyan na hinihinalang dulot ng food poisoning.

Ayon kay Engr. Arvin Monge, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Leyte, unang dinala sa pagamutan madaling-araw noong Huwebes ang mahigit 50 estudyante.

Kinumpirma rin ang insidente ng Department of Health–Eastern Visayas, at nina Baybay City Information Officer Marissa Cano at Dr. Christine Baldevia, chief of hospital ng Immaculate Concepcion Hospital.

Batay sa paunang imbestigasyon, ang mga apektado ay pawang 2nd year Tourism at Hospitality Management students at mga guro na nasa educational tour sa Kalanggaman Island sa Palompon, Leyte at Baybay City.

Pagbalik nila sa Baybay City matapos kumain ng isda at shellfish sa nasabing isla, nagsimulang makaramdam ng mga sintomas ang ilan sa kanila.

Sa kasalukuyan, 120 ang kabuuang bilang ng mga pasyente, kabilang ang tatlong guro, at lahat sila ay nasa stable condition na, ayon sa ospital.

Patuloy ang koordinasyon ng Immaculate Concepcion Hospital at ng Baybay City LGU sa Department of Health para sa mas malalim na imbestigasyon.

Nagsasagawa rin ng sariling pagsisiyasat ang Lokal na Pamahalaan ng Palompon upang alamin kung saan nagmula ang pagkain na pinaghihinalaang sanhi ng insidente.

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang pamunuan ng MSEUF sa mabilis na pagtugon ng lokal na pamahalaan ng Baybay City at ng mga ospital.

Tiniyak ng unibersidad na patuloy ang pakikipag-ugnayan nito sa mga awtoridad upang masiguro ang kaligtasan at paggaling ng kanilang mga estudyante at guro.

Samantala, naka-monitor na rin ang Leyte PDRRMO at Leyte Provincial Health Office sakaling madagdagan pa ang bilang ng mga pasyenteng kakailanganing isugod sa ospital habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kaso.

(NILOU DEL CARMEN)

23

Related posts

Leave a Comment