(NI CHRISTIAN DALE)
SINAMANTALA ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagkakataon na talakayin ang isyu sa South China Sea sa kanyang pagdalo sa 25th Conference on the Future of Asia sa Tokyo, Japan.
Sinabi ni Pangulong Duterte na mahal niya ang China at kaibigan nito si Chinese President Xi Jinping iyon nga lamang ay hindi makatuwiran na angkinin ng China ang buong South China Sea.
Aniya, hindi niya maaaring igiit ang 2016 arbitral ruling na pumapabor sa Pilipinas dahil walang kakayahan ang pamahalaan na makipagdigmaan sa makapangyarihang bansa tulad ng China.
“I love China, it has helped us a bit. But it behooves upon us to ask, is it right for a country to claim the whole ocean? My country is very small, it has progressed a little over the years, I don’t know why. But I cannot afford war with anybody, not only with China,” ayon sa Chief Executive.
Para sa Pangulo, hindi makukuha sa marahas na aksiyon ang agawan sa teritoryo sa South China Sea kaya dapat mayroong third party na mamagitan sa China at iba pang mga bansang naghahabol sa mga teritoryo.
Sisikapin aniya niyang makausap si President Xi kapag may pagkakataong makabisita muli siya sa Beijing dahil habang tumatagal ang isyu sa mga pinag-aagawang teritoryo ay lalong nagkakaroon ng posibilidad na magkaroon ng gulo.
“lf I get a chance to visit Beijing again, I’d try to talk to President Xi Jinping. The longer it takes for the issue to be there, it is always a flash point for trouble,” aniya pa rin.
142