PINALAGAN ni Davao City Rep. Paolo “Polong” Duterte ang anunsyo ng House Committee on Public Accounts na planong imbestigasyon sa Dolomite Beach sa Manila Bay na proyekto na inilunsad noong panahon ng kanyang amang si dating pangulong Rodrigo Duterte.
Galit na sinagot ni Duterte ang pahayag ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, na nagsabing dapat managot ang lahat ng sangkot sa umano’y “walang silbing proyekto,” mula sa mga opisyal hanggang sa dating Pangulo.
“Ang bilis ninyong maghanap ng ‘mananagot’ ngayon, pero noong tunay na ninakawan ang bayan — tahimik kayong lahat. Noong bilyones ang nawala, nasaan kayong mga magagaling na umuusig? No’ng galit na galit ang taumbayan sa garapalang nakawan na nabunyag nitong taon lamang, tila ang dali ninyong makalimot,” buwelta ng kongresista.
Inakusahan din niya si Tinio at ang grupo nito, na aniya’y nagpapanggap lang na champion ng transparency, pero puro pulitika lang ang motibo.
Kung totoo aniya ang hangarin nina Tinio na “accountability o pananagutan’ ay dapat simulan nila ito sa kanilang sarili at mga pinagsilbihan ng mga ito na may mga bahid ng korupsyon.
Ipinagmalaki pa ng mambabatas na ang kanyang ama lamang ang totoong kumilos para ayusin ang problema sa Manila Bay, at marami umano ang natuwa nang linisin ito. Pero ngayon, aniya, sinisiraan at ginagawan ng isyu ang proyekto.
“Walang problema mapanagot lahat kung may kasalanan gaya ng sabi ninyo kasama sa FPRRD dahil proyekto nya ito. Bakit tila pipi kayo sa pagpapanagot sa PUMIRMA ng pinaka-corrupt na budget ng 2023-2025!!!,” ayon pa kay Rep. Duterte.
“Nakakahiya kayo! Kung sa tingin ninyo ay bobo ang mga Pilipino, nagkakamali kayo. Malinaw sa mata ng bawat Pinoy na ang mga imbestigasyong ito ay mga paraan lang para pagtakpan ang totoong issue na bumabalot sa bayan ngayon,” dagdag pa ng mambabatas.
Palasyo Hindi Makikialam
Samantala, ginagalang ng Malacañang ang desisyon ng mga mambabatas na magsagawa ng imbestigasyon sa Dolomite Beach project sa kahabaan ng Manila Bay, na layong liwanagan ang mga usapin hinggil sa flood control at epekto nito sa kapaligiran.
Sa press briefing sa Malacañang, binigyang-diin ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi makikialam si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa planong imbestigasyon ng House Committee on Public Accounts, kasabay ng paggiit sa prinsipyo ng separation of powers ng tatlong sangay ng pamahalaan.
“So, kung anuman po ang magiging trabaho at hakbang ng House of Representatives sa pag-iimbestiga dito sa Dolomite Beach, iyan ay kanilang mandato at hindi hahadlangan ng Pangulo,” ani Castro.
Ayon kay Castro, makatutulong ang imbestigasyon upang matukoy kung ang proyekto ay nakapag-ambag sa pagbaha sa Metro Manila o nagdulot ng iba pang isyung pangkapaligiran.
“Maaari po talagang maging hakbang ito para malaman kung nagkaroon ng anomalya o kung may epekto ito sa kalikasan at sa mga pagbaha sa Metro Manila,” dagdag niya.
Nilinaw din ng opisyal na ang naturang imbestigasyon ay hindi politically motivated, at iginiit na dapat pairalin ang accountability anuman ang administrasyong nagsagawa ng proyekto.
Ang pahayag ni Castro ay bilang tugon sa anunsyo ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na magbubukas ng imbestigasyon ang Kamara kaugnay ng Manila Bay Dolomite Beach Resort sa darating na Nobyembre 17.
Sa kanyang X (dating Twitter) post noong Nobyembre 3, sinabi ni Ridon na tatalakayin sa unang pagdinig ang epekto ng proyekto sa pagbaha sa mga karatig na lugar, kabilang ang Ermita–Malate, Faura, Remedios, at Estero de San Antonio Abad drainage outfalls.
“Hindi naman po ibig sabihin na kapag iniimbestigahan ang nakaraang administrasyon, ito’y pamumulitika lamang,” ani Castro. “Kung hindi natin sisilipin ang mga nagdaang proyekto, para bang libre na ang lahat ng nagawa noon — kaya tama lang na ito’y busisiin,” dagdag niya.
Samantala, papadalhan ng imbitasyon para dumalo sa pagdinig ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Economy, Planning and Development (DEPDev), Department of Public Works and Highways (DPWH), Metro Manila Development Authority (MMDA), at ang lokal na pamahalaan ng Maynila.
Matatandaang una nang kinuwestiyon ni Ridon kung kinakailangan ba talagang maglagay ng artipisyal na white sand sa Manila Bay.
(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
72
