NAGTAKDA ng mahigit sa P100 million floor price ang Bureau of Customs para sa isusubastang pitong luxury cars ng mag-asawang government contractors na sina Pacifico “Curlee” at Sarah Discaya na sinasabing nakakopo ng karamihan ng Department of Public Works and Highways flood control projects.
Una rito, nag-isyu ang BOC ng notice for public auction para sa 7 mamahaling sasakyan ng mag-asawang Discaya na sinasabing nagkamal ng multibilyong kita mula sa umano’y maanomalyang government flood control projects sa pamamagitan ng sealed bidding.
Kabilang sa luxury vehicles na isusubasta ang Rolls-Royce Cullinan 2023, Lincoln Navigator L 2021, Bentley Bentayga 2022, Mercedes-Benz G63 AMG 2022, Toyota Sequoia 2023, Mercedes Benz G500 2019 Brabus, at Toyota Tundra 2022.
Itinakda ang auction sa Nobyembre 17, 2025 ganap na alas-10 ng umaga situation room, ground floor ng OCOM Building, Bureau of Customs, Port Area.
Inihayag ni Atty. Chris Noel Bendijo, BOC Deputy Chief of Staff, kinakailangan ng mga interesadong sumali sa subasta na magparehistro, mag-submit ng kanilang income tax returns, business tax receipts at proof of payment sa BIR at magbayad ng registration fee sa halagang P5,050.
Bago ang itinakdang auction ay magsasagawa muna ng public viewing ng mga isusubastang sasakyan na itinakdang ganapin sa Nobyembre 10 hanggang 12, 2025 sa PUC Parking OCOM Grounds “Para makita ng mga prospective bidders ang mga sasakyang ito,” ani Atty. Bendijo sa panayam ng media.
Samantala, nilinaw ni Bendijo na mababa ang itinakdang floor price dahil sa depreciation at hindi naman mga brand new ang mga ito.
“After ng public viewing ay matatantsa n’yo na kung magkano ang inyong ibi-bid sa mga sasakyang ito. Posible umanong tumaas pa sa P100 million ang kikitain sa mapagbebentahan ng nasabing mga sasakyan.
(JESSE RUIZ)
87
