DUTERTE AT MARCOS ADMIN PAREHONG PALPAK SA PAGTATAYO NG CLASSROOMS

PAREHONG pumalpak ang mga administrasyon nina dating pangulong Rodrigo Duterte at kasalukuyang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagpapatayo ng mga silid-aralan sa nakalipas na pitong taon.

Ito ang ibinunyag ng Makabayan bloc sa kanilang House Resolution (HR) No. 425, na humihiling ng imbestigasyon sa kabiguan ng pamahalaan na maipatupad nang maayos ang School Building Program ng Department of Education (DepEd).

Batay sa datos ng grupo, mula 2018 hanggang 2024, naglaan umano ang gobyerno ng pondo para sa 66,494 classrooms sa buong bansa ngunit 4,399 lamang ang natapos.

Noong panahon anila ni Duterte, taong 2018, sa target na 47,000 classrooms, 11 lang ang naitayo.

2019: 4,110 target, 3,213 lang natapos.

2020: 5,174 target, 187 lang natapos.

2021: 1,035 target, 191 lang naitayo.

Pagsapit naman ng 2022, kung saan nagpalitan ng administrasyon sina Duterte at Marcos Jr., walang naitayong kahit isang classroom kahit may target na 1,168.

Sa ilalim ng Marcos administration: taong 2023 ay 192 lang ang natapos sa 5,379 target.

2024: 1,628 target, 605 lang ang natapos.

“It is imperative for Congress to investigate the very low performance, low budgets, and low targets in constructing the much-needed new classrooms,” ayon sa resolusyon ng Makabayan bloc.

Giit pa ng grupo, tila mas pinapaboran ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga flood control projects na umano’y mas “kumikitang” proyekto, kaysa sa mga silid-aralan na higit na kailangan ng mga estudyante.

Matatandaang sa pagsisimula ng administrasyong Marcos Jr. ay hinawakan ni Vice President Sara Duterte ang renda sa DepEd.

Tumayo siyang kalihim ng ahensya mula Hunyo 30, 2022 at nagbitiw Hunyo 19, 2024.

(BERNARD TAGUINOD)

48

Related posts

Leave a Comment