MANANATILI sa puwesto at magpapatuloy sa kanyang tungkulin bilang alkalde si Tarlac City Mayor Susan Yap, matapos maglabas ang Korte Suprema ng isang status quo ante order na pansamantalang nagpapatigil sa pagpapatupad ng desisyon ng COMELEC en banc laban sa kanya.
Sa kanilang en banc session, iniutos ng Korte Suprema na panatilihin ang status quo sa pagitan ng mga partido, na nangangahulugang patuloy na gaganap si Yap sa kanyang mga tungkulin bilang Alkalde ng Lungsod ng Tarlac habang isinasailalim sa judicial review ang kanyang petisyon.
Inatasan din ng Korte Suprema ang COMELEC at ang mga pribadong respondent na sina Amado S. De Leon at Jay-Ar Capulong Navarro na magsumite ng kanilang komento sa petisyon ni Yap sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap ng abiso, na walang palugit o extension.
Ang desisyon ng Korte Suprema ay nag-ugat sa petition for certiorari na inihain ni Yap noong nakaraang linggo, na kumukuwestiyon sa desisyon ng COMELEC en banc noong Oktubre 22 na bumaligtad sa naunang pasya ng COMELEC Second Division at nagdiskwalipika sa kanya batay sa isyu ng paninirahan (residency).
Sa isang pahayag matapos ilabas ang kautusan ng Korte Suprema, nagpasalamat si Mayor Yap sa mataas na hukuman, at tinawag ang hakbang nito bilang patunay ng makatwirang pagtingin at paggalang sa due process, sa gitna ng umano’y madaliang tangkang tanggalin siya sa puwesto at balewalain ang boses ng mga Tarlaqueño.
“Nagpapasalamat ako sa Korte Suprema sa pagiging tinig ng katwiran sa gitna ng tila madaliang tangka na ako’y tanggalin at baliktarin ang pasya ng mga Tarlaqueño,” ani Yap. “Ang desisyong ito ay nagbibigay pag-asa na ang katotohanan–at ang mandato ng taumbayan–ang mangingibabaw.”
Sa mga nakalipas na araw, nagdaos ng mga pagkilos ang mga tagasuporta ni Mayor Yap sa iba’t ibang bahagi ng lungsod, upang ipanawagan ang paggalang sa pasya ng mga botante at sa tamang proseso ng batas.
Sa kabila ng tinawag niyang “panahong puno ng pangamba,” patuloy na nanungkulan si Yap, pumapasok sa opisina at ginagampanan ang kanyang tungkulin bilang alkalde, at iginiit na ang kanyang atensyon ay nananatiling nakatuon sa serbisyo publiko.
“Kahit tila walang kasiguruhan ang sitwasyon, tuloy ang trabaho, naglilingkod sa mga taong nagtiwala sa akin,” dagdag pa ni Yap.
Ang kautusan ng Korte Suprema ay nagpapanatili kay Yap sa kanyang puwesto habang dinidinig ang kaso, na pansamantalang pinatitigil ang bisa ng desisyon ng COMELEC en banc na nagbabasura sa kanyang proklamasyon.
(Rudy Sim)
71
