CAVITE – Tinatayang mahigit sa P200,000 halaga ng umano’y shabu at ecstasy ang nasabat sa nadakip na hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation Bacoor City noong Martes.
Hawak na ng Bacoor Component City Police Station (CPS) ang naarestong suspek na si alyas “Polo” ng Bacoor City, Cavite.
Ayon sa ulat, bandang alas-8:25 ng umaga, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Cavite Provincial Office, katuwang ang PDEA RO IV-A RSET II at Bacoor Component City Police Station, sa Pinyahan St., Bacoor City na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Nasamsam sa operasyon ang isang maliit na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na humigit-kumulang limang gramo na nagkakahalaga ng P34,000; isang plastic sachet na naglalaman ng anim na piraso ng hinihinalang ecstasy capsule; dalawang puting screw cap bottles na naglalaman ng kabuuang 114 piraso ng hinihinalang ecstasy capsule na nagkakahalaga ng P204,000; isang cellular phone; at boodle money, o kabuuang P268,000.00.
Ang naarestong suspek ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 5 (Selling of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) ng Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(SIGFRED ADSUARA)
39
