HINDI bumenta sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pahayag ng abogado ni dating Congressman Elizaldy “Zaldy” Co na may seryosong banta sa buhay nito kaya hindi makauwi.
Para kay Caloocan City Rep. Edgar Erice, idinadahilan na lamang ni Co ang kanyang seguridad para hindi harapin ng personal ang mga kasong ibinintang sa kanya sa anomalya sa flood control projects.
“Kung tunay na may banta sa kanyang buhay bakit hindi siya mag-testify via online upang ipaliwanag lahat ng kanyang kinalaman o ano ang mga tunay na pangyayari,” pahayag ni Erice sa panayam.
Sa press conference kahapon ng abogado ni Co na si Atty. Ruy Rondain, sinabi nito na nais ng kanyang kliyente na umuwi subalit natatakot ito dahil galit sa kanya ang taumbayan.
Si Co na dating chairman ng House committee on appropriations ay inaakusahang nagsingit ng bilyon-bilyong piso sa 2025 national budget at ginamit sa mga maanomalyang flood control project.
Base sa testimonya ng mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan first district, humingi ng 20 hanggang 25 percent na komisyon ang dating Ako Bicol party-list congressman at idineliber nila ang pera sa bahay nito sa Pasig City at Condo unit nito sa Taguig.
Bukod dito, sangkot din umano sa ghost at substandard na flood control projects ang construction company ni Co na Sunwest sa Mindoro kaya kinasuhan na ito sa Office of the Ombudsman.
Dagdag ni Erice, kung talagang inosente si Co, maaari itong magbigay ng testimonya sa embahada ng Pilipinas sa bansang kinaroroonan niya.
Sa ngayon ay walang impormasyon kung saang bansa naroroon si Co na umalis sa Pilipinas pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., noong July 28, 2025.
(BERNARD TAGUINOD)
77
