IIMBESTIGAHAN ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang ulat na may BPO companies na sapilitang pinapasok ang kanilang mga empleyado sa kabila ng paghagupit ng Bagyong Uwan.
Lahat ng regional directors ay inatasan nang iberipika ang mga ulat laban sa BPO companies na pinipilit umano ang kanilang mga empleyado na pumasok sa trabaho.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, pagpapaliwanagin ang mga kumpanya kung bakit nila pilit na pinapasok ang mga manggagawa sa kabila ng mapanganib na kondisyon.
Hindi aniya palalampasin ng DOLE ang anomang hakbang na naglalagay sa panganib sa mga manggagawa.
Tiniyak din ni Laguesma na prayoridad ng kagawaran ang kaligtasan at kapakanan ng lahat ng manggagawa sa iba’t ibang industriya, hindi lamang sa BPO sector.
Bago ito, sinabi ng grupong BPO Industry Employees Network o BIEN Pilipinas na libo-libong BPO workers ang patuloy na pinipilit pumasok kahit sa gitna ng panganib at sa kabila ng mga pagbaha at pagkawala ng kuryente.
Tinatakot umano ang ilan sa mga manggagawa ng Notice to Explain, tinatanggalan ng incentives, o pinipilit mag-report onsite kahit delikado.
(JOCELYN DOMENDEN)
68
