CHINESE NATIONAL TIMBOG SA ONLINE SCAM

INARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na umano’y sangkot sa malawakang online scam activities, sa isinagawang joint operation kasama ang National Bureau of Investigation–Operative Technical Cyber Division (NBI-OTCD) at ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa Pasay City.

Ayon sa ulat ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI, isinagawa ang operasyon noong gabi ng Nobyembre 4, sa Central Park Condominium, sa D. Jorge Street, Pasay City alinsunod sa mission order na inilabas laban kay Xiang Long Yiyu, na kilala rin bilang Sam Lee, 33, na pinaghihinalaang sangkot sa online fraud at phishing activities na bumibiktima sa mga lokal at dayuhan.

Ang operasyon ay nag-ugat kasunod sa ulat na nagtatrabaho si Xiang sa ilalim ng “work-from-home” at naugnay sa isang scam hub na nabuwag sa Makati City. Naiulat na patuloy siyang gumagawa ng pandaraya gamit ang maraming laptop computer.

Ayon sa ulat ng BI, dumating si Xiang sa Pilipinas noong 2019, bilang turista at nag-extend subalit nag-expire noong 2022, na naging dahilan upang siya ay maging overstaying alien.

Sa karagdagang pagsusuri, lumabas na siya ay nasa ilalim na ng Blacklist Order na inisyu noong 2023 dahil sa overstaying.

Pinuri naman ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang mga ahente ng FSU at ang kanilang mga kasosyong ahensya sa kanilang mabilis na pagkilos, binigyang-diin ang matatag na paninindigan ng bureau laban sa mga dayuhang gumagamit sa bansa bilang base para sa cybercrimes.

(JOCELYN DOMENDEN)

66

Related posts

Leave a Comment