Tinulugan oversight comm sa Senado SOLON: KALIKASAN BIGONG PROTEKTAHAN NG MGA VILLAR

HINDI gumana sa loob ng siyam (9) na taon ang environmental oversight sa Senado sa ilalim ng pamumuno ni dating Sen. Cynthia Villar sa dalawang mahalagang komite na proportekta sana sa kalikasan.

Ito ang reklamo ni Las Pinas Rep. Mark Anthony Santos na nagangambang hindi pa rin gagana ang oversight power ng Senado sa kapaligiran dahil ipinasa lamang kay Sen. Camille Villar ang pamumuno sa Senate committee on Environment, Natural Resources at Committee on Climate Change na pinamunuan ng kanyang inang si Cynthia sa nakaraang 9 na taon.

“For nine years, we should have seen stronger oversight, deeper investigations, and decisive policy action to prevent the environmental crises we are facing today. Pero ang nangyari—sunod-sunod na environmental threats, halos walang pananagutan, at lalong lumala ang kalagayan ng kalikasan at mga komunidad,” ani Santos.

Isa aniya sa mga batas na inupuan ng Senado ang National Land Use Act (NLUA) na mahalaga sana sa para sustainable planning at climate resilience kung saan sinisi niya sa dating Senadora na ang pamilya ay sangkot aniya sa “large-scale real estate development”.

Ayon sa mambabatas, mula 1990 pa isinusulong ang nasabing panukala at noong 19th Congress ay ipinasa ito ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa subalit hindi man lamang ito naipasa sa committee level sa Senado.

“Nine years is a long time. Kung may tunay na pagsisiyasat at pagtugon, dapat may malinaw na resulta, may reporma, may pananagutan. Pero hanggang ngayon, baha pa rin. Nasasaktan pa rin ang komunidad. Nanganganib pa rin ang ating kalikasan,” ayon pa sa kongresista.

Dahil dito, hinamon ni Santos si Sen. Camille na patunayan na nararapat itong pamunuan ang nasabing mga komite sa pamamagitan ng pagpapatibay sa panukala na proprotekta sa kalikasan at mga tao kapag panahon ng kalamidad.

“This is a chance to break the cycle. I hope the new chair will prove to the Filipino people that the environment committee is meant to protect the people—not private interests. Transparency, public hearings, and accountability must be the starting point,” ayon pa kay Santos.

(BERNARD TAGUINOD)

68

Related posts

Leave a Comment