EDITORIAL
TUWING may bagyong dumaraan sa Pilipinas, pare-pareho ang balita — mga bahay na nilulubog ng baha, mga bundok na gumuho, at mga pamilyang nawawalan ng tahanan sa isang iglap.
Ngunit sa likod ng mga trahedyang ito, may mas malalim na dahilan: ang unti-unting pagkasira ng ating kalikasan dahil sa sobrang pagku-quarry at pagkakalbo ng kagubatan. Ang mga pagbaha ay hindi lamang likha ng kalikasan, kundi bunga rin ng kasakiman ng tao.
Sa iba’t ibang lalawigan, ang mga bundok na dating luntian ay ngayo’y kalbo at sugatan. Kinayod ng quarrying ang lupa, habang pinutol ng logging ang mga punong dapat sana’y sumisipsip ng ulan. Kapag bumuhos ang malakas na ulan, wala nang humahadlang sa tubig. Mabilis tumaas ang ilog, at rumaragasa ang baha sa mga bayan na dati’y ligtas. Ang dating proteksyon ng kalikasan ay naging daan ng kapahamakan.
Pinakamalupit ang tama sa mga pamayanang nakatira malapit sa mga quarry at ginibang kagubatan. Nasasapawan ng putik ang kanilang mga bahay, nasisira ang kanilang sakahan, at napuputol ang kanilang mga kalsada. Matagal na nilang sinasabi ang panganib, ngunit tuloy pa rin ang pagbibigay ng permit at ang mga ilegal na operasyon. Sa habol ng kita, ang kalikasan at ang mahihirap ang unang nasasakripisyo.
Matagal nang sinasabi ng mga eksperto na karamihan sa mga kalamidad sa bansa ay “likha ng tao.” Ang bagyo ay likas, pero ang lawak ng pinsala ay bunga ng ating kapabayaan. Ang bawat trak ng graba o troso na kinukuha mula sa kabundukan ay may kapalit — mga buhay, kabuhayan, at kinabukasang hindi na maibabalik.
Ang mga pagbaha ay hindi lang babala ng pagbabago ng klima, kundi paalala ng kalikasang matagal nang sinasaktan. Hangga’t ang pagputol ng puno at pagbungkal ng bundok ay itinuturing na normal na negosyo, paulit-ulit lang ang kwento — tuwing panahon ng bagyo, taon-taon, habang dumarami ang nasasawi at nawawasak.
75
