Maagang dinagsa Luneta INC RALLY: TAPUSIN ANG KATIWALIAN!

DUMAGSA kahapon ang libo katao sa kilos-protesta ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Quirino Grandstand, Luneta, Maynila para ipanawagan ang laban sa katiwalian at korupsyon.

May temang “Rally for Transparency and Better Democracy,” sinamahan ang INC ng iba’t ibang civil society groups sa unang araw ng kanilang tatlong araw na pagtitipon na tatakbo hanggang Martes, Nobyembre 18.

Nagmula pa sa iba’t ibang probinsiya ang mga dumalo, at tinatayang aabot sa 1.3 milyon hanggang 1.5 milyon ang inaasahang dadagsa sa buong serye ng protesta.

Umapela ang mga tagasuporta ng INC na panatilihin ang kapayapaan sa kanilang hanay, iginiit na katarungan at pagsusulong ng katapatan sa pamahalaan ang kanilang pangunahing hiling lalo na anila sa harap ng “panggigipit at pangongorap” ng mga namumuno sa bansa.

Bitbit ng kanilang mga banner ang panawagang ibalik sa bayan ang nakulimbat na pera at ikulong ang mga dapat managot. Lalo pang nag-alab ang sentimyento dahil sa patuloy na hirap ng buhay, mataas na bilihin, at lumalaking singil sa mga bayarin.

Sa kabila ng dagsa ng tao, nagpakalat ang kapulisan ng 20,000 pulis sa buong Maynila—kabilang ang 1,400 na naka-deploy mismo sa Luneta para matiyak na walang gulo at hindi mapasukan ng masasamang elemento ang kilos-protesta.

Ayon sa Manila Police District (MPD), umabot na sa 14,500 ang nasa Quirino Grandstand bago pa mag-umpisa ang programa bandang alas-4:00 ng hapon.

Nagkaroon naman ng bigat sa daloy ng trapiko sa paligid ng Luneta at Roxas Boulevard dahil sa dami ng service vehicles ng INC na nagbababa ng mga sakay.

Nananatiling mahigpit ang seguridad sa paligid ng Malacañang. Sa Ayala Bridge, sarado ang daan at bantay-sarado ng mga pulis, habang sa Mendiola ay nakapwesto ang barbed wire, barikada, at mga pulis na may shield para harangin ang sinomang magtatangkang manggulo o pwersahang pumasok.

Naglabas din ng apela ang Quezon City Police District (QCPD) sa mga makikilahok sa rally na huwag haluan ng personal na agenda ang kilos-protesta. Layunin umano ng QCPD na manatiling mapayapa ang pagkilos upang maiparating nang maayos ang mensahe sa pamahalaan.

Todo-bantay din ang pulisya sa People Power Monument kung saan mahigit 1,000 PNP personnel at force multipliers ang naka-deploy.

Nakiusap pa ang QCPD na huwag magdala ng mga alagang hayop, sumunod sa mga marshal, at para sa mga sasama sakay ng sasakyan ay siguraduhing tama ang paradahan at huwag mag-iwan ng mahahalagang gamit sa loob.

(JULIET PACOT)

65

Related posts

Leave a Comment