OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
ISANG overseas Filipino worker (OFW) na kasalukuyang nanunuluyan sa accommodation ng recruitment agency sa Kaharian ng Saudi Arabia (KSA), ang humihingi ng agarang tulong upang makauwi sa Pilipinas matapos umanong makaranas ng pananakit mula sa kanyang among babae.
Kinilala ang OFW na si Rosalie Fernandez, 40-taong gulang, at kasalukuyang naka-deploy sa ilalim ng EXCEL GREEN KARD INT’L INC bilang kanyang Philippine recruiting agency. Ang kanyang foreign principal agency ay Mohammed Mojeb Bin Hawis Recruitment Office.
Ayon kay Fernandez, unang araw pa lamang sa trabaho ay sinaktan na umano siya ng kanyang among babae. “Kinurot po ako at hinampas sa braso,” pahayag niya. Dahil dito, agad siyang nag-report at nagpa-turnover sa agency noong Oktubre 2, 2025.
Mahigit isang buwan na umano siya ngayon sa agency accommodation ngunit wala pa ring malinaw na aksyon mula sa recruitment agency sa Pilipinas. Aniya, tuwing tinatawagan niya ang mga ito ay hindi sila sumasagot.
Sa kanyang panawagan, sinabi ni Fernandez na ang tanging hangarin niya ay makauwi at muling makapiling ang kanyang pamilya. “Humihingi po ako ng tulong na makauwi na po sa aking pamilya,” aniya sa kanyang pahayag noong Oktubre 29, 2025.
Sa kabilang banda, ang OFW Juan ay nagpapaalala sa ating mga kabayani na nangingibang bansa, na kung magnanais na magtrabaho bilang kasambahay sa ibang bansa ay dapat na pag-isipan ito nang maraming beses.
Hindi rin kasi katanggap-tanggap na sa minsan na mapagalitan o makanti ay agad na magrereklamo para sa mabilisang pagpapauwi dahil mayroon itong kontrata na kailangang tapusin maliban na lamang kung namemeligro na nang tuluyan ang iyong kaligtasan at kalusugan.
Sa pagiging OFW ay hindi dapat maging balat-sibuyas.
134
