Para hindi maantala – Comelec BAGONG REDISTRICTING LAW DAPAT IPASA PARA SA BARMM ELECTION

INIHAYAG ng Commission on Elections na mahirap maisagawa ang unang parliamentary elections sa BARMM sa Marso 31, 2026 kung walang bagong ‘redistricting law’ na maipapasa bago matapos ang Nobyembre.

Hinihintay ng komisyon ang batas para masunod ang timeline ng halalan ngunit nilinaw ni Comelec Chairman George Garcia na ang pahayag ay hindi para i-pressure ang Bangsamoro Parliament kundi para bigyang-diin na kailangan ng komisyon ang batas upang masunod ang kanilang timeline.

Ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) ay nagpasa ng Bangsamoro Parliamentary Redistricting Act of 2025 noong Agosto, na muling nagbahagi ng pitong puwesto na orihinal na inilaan para sa Sulu alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema na ibukod ang lalawigan mula sa rehiyon, ngunit binawi at pinawalang bisa dahil sa paglabag sa Bangsamoro Organic Law.

Hinikayat ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE) ang BTA na magpasa ng bagong batas para hindi maantala ang halalan.

Iniutos ng Korte Suprema sa BTA na gumawa ng bagong districting law at i-reset ang halalan na orihinal na naka-iskedyul noong Oktubre 13, 2025 na hindi lalagpas ng Marso 31,2026.

Sinabi ni Garcia na ipinaalam sa kanya ang bagong batas na kalaunan ay inihain sa BARMM Parliament na nagpapahintulot sa pagtanggap ng bagong accreditation petitions para sa political parties at party-lists, at maaaring maging kumplikado ang preparasyon para sa nalalapit na Bangsamoro elections dahil sa mahabang proseso para sa paghahanda.

Hinimok din ng poll watchdog Lente ang BTA na agad magpasa ng bagong batas at binanggit na ang pagkabigo na gawin ito ay maaaring mailagay sa panganib ang halalan sa Marso 2026, at masisira ang tiwala ng publiko sa proseso.

Ayon sa grupo, ang patuloy na pagpapaliban sa mga halalan ay nagpapababa ng democratic legitimacy at nanganganib din na magtatag ng isang mapanganib na pamarisan kung saan ang mga judicial o administratibong kawalan ng katiyakan ay nagiging batayan upang ipagpaliban ang mga halalan na itinakda na ng batas.

(JOCELYN DOMENDEN)

15

Related posts

Leave a Comment