DPA ni BERNARD TAGUINOD
MAGSILBI sanang aral sa government officials ang nangyari sa mga dating opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Mimaropa Region, na nauna pang nakulong kaysa mga talagang kumita sa anomalya sa flood control projects.
Kahit ‘yung mga opisyales ng Sunwest Inc., ang kumpanya na itinatag ni Zaldy Co, ay dapat magsilbing aral din sa iba ang kanilang kaso dahil nagpagamit sila sa tunay may-ari ng kumpanya at makukulong din kahit suwelduhan lang sila.
Itanggi man ng mga nakulong dahil sa anomalya sa flood control projects sa Oriental Mindoro na sila ay kumita, walang maniniwala sa kanila dahil hindi magagago ang proyekto kung ginawa lang nila ang kanilang trabaho.
Malamang ay nasilaw sila sa konting halaga pero ang mga mas malaki ang kinita ay hindi nila makakasama sa kulungan, kaya ‘yan ang masaklap sa government officials na nagpapagamit kapalit ng konting halaga.
Kaya dapat mag-isip-isip ang government officials na magpapagamit sa mas matataas na mga tao sa gobyerno dahil hindi sa lahat ng pagkakataon ay makalulusot kayo. Darating at darating ang araw na matatapos din ang masasayang araw niyo. Aabutan din kayo ng kamay ng batas at karma, ika nga.
Maaaring maganda ang buhay niyo at ng pamilya niyo at marami kayong pera dahil sa kinikita niyo sa pakikipagsabwatan sa malalaking buwaya sa gobyerno pero kapag nakarma kayo, walang silbi ang mga iyan.
Pati ang pamilya niyo ay masisira at maghihirap at akala niyo tutulungan kayo at ang pamilya niyo ng mas malalaking mga buwaya na kumasangkapan sa inyo kapag oras na ng kagipitan? Hindi mangyayari ‘yan!
Kaya dapat mag-isip ang government officials na may balak na magpagamit sa mga nakakataas sa kanila na mas tiwali kapalit ng pansamantalang karangyaan na ibibigay sa kanilang pamilya.
Pero sana madagdagan ang mga makukulong sa anomalyang ito dahil sila ang dahilan kung bakit maraming buhay ang nawala, maraming ari-arian at kabuhayan ang nasira, dahil imbes na gamitin ang pondo para protektahan sila sa baha ay ibinulsa ng mga kawatan ang pera.
Inaabangan ng mga tao na makulong ‘yung mga dating opisyales ng DPWH Bulacan First District, ‘yung mga kontraktor at lalong-lalo na ‘yung mga mas malaki ang kinita sa anomalyang ito o ‘yung mga tinatawag na big fish.
Etong mga unang nakulong ay mga dilis lang daw kaya hangga’t walang nakukulong na mas malaking isda ay hindi makakamit ang hangad na tunay na katarungan. Hindi lamang ang mga biktima ng baha, pagguho ng lupa, mga namatayan at nawalan ng bahay at hanapbuhay kundi maging ang taxpayers ay pinagnakawan ng mga katawan sa gobyerno na tila walang kabusugan.
34
