HINDI RAW KAYANG BANGGAIN NG ICI SI ROMUALDEZ KAYA NAGBITIW NA LANG SI SINGSON?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MABIGAT ang pagbitiw ni Rogelio Singson bilang miyembro ng Independent Commission for Infrastructure (ICI). Ang kanyang unang pahayag ay “for personal and health reasons” daw ang dahilan. Mauunawaan ng kahit sino ang sobrang stress na naidulot ng lahat ng ito sa dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary. At hindi basta ordinaryong stress ito.

Pero kalaunan ang sinasabing dahilan ng kanyang pagbitiw ay dahil hindi na niya nagugustuhan ang ICI. Matalinghaga ito ha.

Mantakin n’yo naman ang kinakaharap ni Singson sa laban na ito. Isipin n’yo na lang ang kalbaryo rito ng ICI, kung saan tila ayaw umusad ng sistema ng hustisya, lalo na kapag malalaking pangalan ang sangkot.

Hindi maikakaila na ang mga dawit sa imbestigasyon ay hindi maliliit na tao. Nariyan ang pangalan ni Martin Romualdez sa gitna ng korupsyon at dito tila na-dead end ang komisyon, kapag nababangga na ang dating Speaker, na naging dahilan marahil ng matinding frustration ng nagbitiw na ICI member.

Baka nakalilimutan ng marami na ang pinagmulan ng lahat ng ito ay ang 2023 at 2024 national budget. Halos lahat ng eksperto ay kinilala ang national budget sa mga nasabing taon bilang pinaka-corrupt sa kasaysayan, at puno ng unprogrammed funds.

Noong 2023, pumalo ang unprogrammed appropriations sa P807.1 bilyon, mula sa P251.6 bilyon noong 2022. Noong 2024, nasa P731.4 bilyon pa rin ito. Ito ang pondo na walang malinaw na line-item at madaling makulimbat para gawing flood control, irrigation, o kung anomang proyekto, kahit ghost project pa.

At ang Senate Finance Committee Chair noong mga naturang taon? Si Sonny Angara, na isa ring malaking pangalan na nasa sentro ng mga anomalya sa pagkakasangkot ng mga taong malapit sa kanya sa mga kickback sa DPWH.

Maaaring nakita ni Singson ang pagiging “untouchable” ng naging corrupt na 2023 at 2024 national budget. Marahil nakita niya na ang puno’t dulo ng lahat ng ito ay ang Speaker’s Office na pinangungunahan ni Romualdez. Kita n’yo naman kung gaano kaimpluwensya pa rin itong si Romualdez kahit hindi na siya House leader. Siya pa rin yata ang nagpapatakbo ng Kamara, kaya nga hindi siya matibag hanggang ngayon kahit marami nang nagtuturo sa kanya pagdating sa mga anomalya sa budget.

Dito marahil napagtanto ni Singson na hangga’t nasa poder pa rin ng kapangyarihan ang dating Speaker, walang kahit anong Executive commission ang makagagalaw rito. Hindi sinukuan ni Singson ang Pangulong Bongbong Marcos. Sumuko siya dahil masyadong makapangyarihan si Romualdez para maisalang sa anomang imbestigasyon, at ano pa kaya kung kakasuhan at ikukulong. Sa dahilang ito, wala talaga tayong mapapala sa ICI investigations.

33

Related posts

Leave a Comment