(NI BERNARD TAGUINOD)
HINDI na kailangang maghanap pa ang mga economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte para pondohan ang salary increase ng mga public school teachers dahil mayroon nang budget dito ang gobyerno kung gugustuhin lang nila.
Ginawa ni i ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio ang pahayag matapos atasan ni Duterte ang kanyang mga economic managers na maghanap ng pondo para maibigay na ang dagdag na sahod ng mga public school teachers.
“Hindi na kailangang maghanap ng pondo. May pondo na kung gugustuhin lang ng Malacanang,” ani Tinio sa press conference ng Makabayang bloc nitong Martes sa Kamara.
Tinukoy ng mambabatas ang P95 Billion na nai-veto ni Pangulong Duterte sa 2019 national budget na puwede aniyang gamitin para itaas ang sahod ng mga guro sa buong bansa.
Ang nasabing halaga ay ang pinag-awayan ng Kamara at Senado kaya nai-veto ito ni Duterte. Wala na umanong paggagamitan sa nasabing halaga na sapat na umano para pondohan ang dagdag na sahod ng mga guro.
“Actually sobra na yung P95 Billion na yun kung sa mga teachers lang (gamitin),” ani Tinio kaya huwag na aniyang mag-abala pa sa paghahanap ng pondo para matupad ang pangako ng Pangulo sa mga public school teachers.
Una aniyang ipinangako ni Duterte ng dagdag na sahod sa mga public school teachers noong 2016 presidential campaign at muli niya itong inulit noong manalo na ito sa nasabing halalan.
“Hanggang ngayon ay hindi tinutupad eh 2016 campaign pa yan naipangako,” dagdag pa ng mambabatas.
169