NASAWI ang isang sibilyan sa tama ng stray bullet sa Maynila, habang dalawa pa ang namatay sa pagsabog na hinihinalang mula sa nakaimbak na pyrotechnic products sa Dagupan City sa nagdaang pagdiriwang ng Pasko.
Batay sa ulat ng Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes, Disyembre 26, 2025, isang indibidwal ang nasawi matapos tamaan ng ligaw na bala sa Tondo, Maynila sa kasagsagan ng inuman noong Christmas Eve.
Ayon kay PBGen. Randulf Tuano, tagapagsalita ng PNP, naganap ang fatal stray bullet incident sa Barangay 120, Tondo, Manila. Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon na nagmula ang putok sa kalapit na barangay habang may nagaganap na inuman. Patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa suspek.
Samantala, dalawang katao ang nasawi sa malakas na pagsabog mula sa isang fireworks shop sa Dagupan City bandang alas-7:49 ng gabi ng Disyembre 25, sa Sitio Boquig, Barangay Bacayao Norte. Dalawa pa ang nasugatan at isinugod sa ospital.
Bukod sa mga nasawi at sugatan, nagdulot din ang pagsabog ng sunog na agad inagapan ng Dagupan City Bureau of Fire Protection.
“Two lives were lost this Christmas. This is a tragedy that should not have happened,” pahayag ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez, na personal na nagtungo sa lugar kasama si Vice Mayor Bryan Kua upang alamin ang lawak ng pinsala at mag-utos ng masusing imbestigasyon, ayon sa kanilang Facebook post.
Sa kabuuan, iniulat ni PBGen. Tuano na may 10 kaso ng indiscriminate firing na naitala sa buong bansa ngayong holiday season, kung saan pito ang agad na naaresto, kabilang ang apat na pulis.
Nagbabala ang PNP na maaaring maharap sa pagkakasibak ang mga police commander batay sa command responsibility kung hindi maresolba ang mga kaso sa loob ng 36 oras.
Kaugnay nito, inatasan ni PNP Chief Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang lahat ng police chief na makipag-ugnayan sa mga local government unit hinggil sa posibilidad ng pagtatakda ng centralized firecracker selling areas upang masiguro ang mas mahigpit na inspeksyon, lalo na bago ang 2026 New Year revelry.
Sa pinakahuling tala ng PNP, isa ang nasawi sa stray bullet, habang 47 iba pa ang nasugatan dahil sa firecracker-related incidents ilang araw bago ang pagsalubong ng Bagong Taon.
(JESSE RUIZ)
79
