DALAWANG indibidwal ang nasawi habang mahigit 260 ang nasugatan sa mga aksidente ng motorsiklo sa kasagsagan ng Christmas rush, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Biyernes.
Batay sa Road Crash Injuries Bulletin ng DOH para sa Disyembre 21 hanggang alas-5:00 ng umaga ng Disyembre 26, umabot sa 263 indibidwal ang naitalang sangkot sa mga insidente ng road crash.
Ayon sa DOH, ang bilang na ito ay 7 porsiyentong mas mababa kumpara sa kaparehong monitoring period noong 2024.
Nagmula ang datos sa 10 sentinel hospitals na patuloy na minomonitor ng ahensya.
Kaugnay nito, nagpaalala ang DOH sa mga motorista at biyahero upang maiwasan ang aksidente at masiguro ang kaligtasan sa biyahe, lalo na ngayong holiday season.
Kabilang sa mga paalala ng DOH ang mga sumusunod:
– Magsuot ng DTI-approved helmet kapag nakasakay sa motorsiklo at seat belt para sa mga driver at pasahero ng sasakyan;
– Huwag magmaneho kung pagod o nasa ilalim ng impluwensya ng alak;
– Sumunod sa speed limit at road signs upang matiyak ang ligtas at maayos na paglalakbay;
– Siguraduhing may 7 hanggang 8 oras na tulog bago bumiyahe; at Iwasan ang paggamit ng cellphone habang nagmamaneho o nakasakay sa motorsiklo.
(JOCELYN DOMENDEN)
90
