OFW NA DUMULOG SA SAKSI NGAYON, LIGTAS NANG NAKAUWI SA PILIPINAS

OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP

MASAYANG ibinalita sa OFW Juan ng Saksi Ngayon, ni Nimfa Almira Domingo, 35-taong gulang, isang OFW, mula sa Barangay Sinalhan, Santa Rosa City, Laguna, ang kanyang ligtas na pag-uwi sa Pilipinas matapos ang halos tatlong buwang matinding pagsubok sa Saudi Arabia.

Si Nimfa, na nagtrabaho bilang housemaid sa Al Khobar, Saudi Arabia, ay dumating sa nasabing bansa noong Setyembre 17, 2025 sa ilalim ng lokal na ahensiyang Billboard Promotion, Inc. at dayuhang ahensiyang Dar Al Nokba Recruiting Office. Ang kanyang employer ay kinilalang si Meshal Arshad A. Alsaleh.

Ayon sa salaysay ni Nimfa, nakaranas siya ng matinding pang-aabuso at hindi makataong pagtrato mula sa kanyang amo. Madalas umano siyang pinagagalitan nang walang sapat na dahilan, pinagkaitan ng sapat na pagkain, at ikinulong pa sa isang silid sa loob ng apat na araw.

Dahil dito, siya ay nakaranas ng labis na takot, pangamba, at pagkasira ng kanyang mental at emosyonal na kalagayan.

Dahil sa grabeng sitwasyon, humingi ng tulong si Nimfa sa Saksi Ngayon sa pamamagitan ni Kagawad Jayson Escaño ng Barangay Kanluran.

Nitong nakaraang Miyerkoles ay tumawag sa akin si Kagawad Jayson Escaño upang ibalita na ligtas na nakauwi sa Pilipinas si OFW Nimfa. Iniabot ni Kagawad Escaño ang telepono kay OFW Nimfa upang magpasalamat sa OFW Juan at sa Saksi Ngayon.

Si OFW Nimfa ay matagumpay na na-repatriate sa tulong ng DMW Aksyon Fund sa pamamagitan ng ating pakikipag-ugnayan sa Department of Migrant Workers at kay Direct Sherelyn Malonzo ng OWWA.

Sa kasalukuyan ay muling nakapiling ni OFW Nimfa ang kanyang pamilya, kabilang ang kanyang pamilya sa Santa Rosa City.

Lubos ang kanyang pasasalamat sa Saksi Ngayon, sa OWWA, DMW, at sa mga lokal na opisyal na tumulong upang maisalba siya mula sa mapanganib at mapang-abusong kalagayan.

40

Related posts

Leave a Comment